Connect with us

United oposisyon sa 2022 elections, magkahihiwa-hiwalay din dahil sa pera – Prof. Carlos

United oposisyon sa 2022 elections, magkahihiwa-hiwalay din dahil sa pera – Prof. Carlos

National News

United oposisyon sa 2022 elections, magkahihiwa-hiwalay din dahil sa pera – Prof. Carlos

Dapat munang tumahimik ang mga pulitikong kakandidato sa 2022 elections.

Ito ang sinabi ng political analyst na si UP Political Professor Clarita Carlos sa panayam ng Sonshine Radio.

Ayon pa kay Carlos, sakali mang magdedeklara ng kanilang kandidatura para sa darating na halalan, kailangan munang ipakita ng naturang mga pulitiko ang kanilang plataporma lalo na sa usapin ng kalusugan, edukasyon at climate change.

Bukod pa dito, kailangan aniya ng mga pulitiko na magkaroon ng malinaw na political party dahil posibleng mawawalan lang din ng saysay ang kanilang mga pangako kung wala silang sasandalang partido.

“In principle kasi everybody should shut upand zipper their mouth. At kung magbuka sila ng bibig nila, magsabi sila ng programa sa edukasyon, sa kalusugan, sa climate change. ‘Yong nakikita nga natin mukha, mga puro mukha, puro faces. We don’t care for these faces, kasi kung walang political party na nasa likod nila, palagay mo ba – kahit sino diyan ay makakapromisa nang kahit ano? Lahat ng promisa nila, laway lang,” saad ng propesor.

Kaugnay naman sa mga pulitikong maaga pa lang ay nagpapabango na sa publiko, nilinaw ni Carlos na matatalino na ang mga botante ngayon at marunong nang kumilatis ng kanilang mga iboboto.

Aniya, “Nakasalalay na ‘yan sa ano, sa intelligence at saka discernment ng 64M voters. Kung ako tatanungin mo, wala akong pakialam sa lahat ng survey results. Wala akong pakialam sa mga nagpapa-cute sa mga political ads and I will do my own research. Sana mas marami kami na ganyan. But I’m sure dahil more intelligent na ang public ngayon, hindi na sila madadala-dala ng mga ganyang mga nagdadala ng kaban, nagpupulis-pulis sa daan, etc. Those were corny things that won’t top anymore.”

Payo naman ni Carlos sa mga kabataan ngayon o sa mga first time voters na sa kanilang pagpili ng kandidatong iboboto ay isaalang-alang ang kanilang kinabukasan.

“Apat kasi ang apo ko eh, and three of them are voters. Ang kanilang alalahanin ang kinabukasan nila. Ang kinabukasan nila nakasalalay sa tatlo – climate change, edukasyon at kalusugan. Dahil diyan talaga tayo huling huling-huli. Dahil kailangan talaga nating protektahan ang planeta natin. Dahil kung hindi, lahat tayo wala nang kinabukasan. So, ‘yan ang gusto nating madinig diyan sa mga pulitiko na ‘yan. Sawang-sawang sawa na tayo sa mga pagmumukha nila. Magpalabas sila ng programa ng gobyerno.”

Samantala, kaugnay naman sa posibilidad na magkaisa ang oposisyon sa darating na eleksyon sa 2022, tahasang sinabi ni Prof. Carlos na nagkakaisa lang ang mga ito dahil puro sila anti-Duterte ngunit kung pera na ang pag-uusapan, tiyak din ng magkakahiwa-hiwalay ang mga ito.

“I think they are only unified because they are anti-Duterte. Nothing else no. Saka nakita mo, ‘pag nag-umpisa ‘yan ng usapan tungkol sa salapi, biglang mawawala ang mga iyan. ‘Yan ang real pulitika, ano’ng magagawa mo.”

Matatandaan na sa ngayon, sina Senator Ping Lacson at Tito Sotto, at President Duterte pa lamang ang nagkumpirma ng kanilang plano para sa nalalapit na eleksyon.

Patuloy naman na inaabangan ng taumbayan ang pagpayag ni Davao City Mayor Sara Duterte na tumakbo sa pagkapangulo, habang kaabang-abang din ang magiging deklarasyon ni Senator Manny Pacquiao pag-uwi dito sa Pilipinas.

More in National News

Latest News

To Top