Metro News
Trash traps sa Maricaban Creek sa Pasay City, handa na sa tag-ulan
Ininspeksyon ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang mga bagong installed na drainage net sa isa sa mga tributary ng Estero de Tripa de Gallina sa Tamo Bridge, Pasay City.
Ang mga drainage net ay inilatag sa waterways upang maprotektahan ang Tripa de Gallina pumping station mula sa mga basura, ang pinakamantandang pumping station sa Metro Manila.
Ayon kay Chairman Abalos, araw-araw na makokolekta ang mga basura na dumadaloy sa ilog mula sa mga kabahayan na nasa palibot ng ilog.
Dagdag ni Abalos na nasa dalawang truck load na mga basura ang maaaring makokolekta kada araw dahil sa mga bagong trash trap.
Maliban dito, ginawa ang hakbang para matiyak na hindi papalpak ang mga pumping station sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan, na maaring magdulot ng mga pagbaha.
Ani Abalos, taong 1976 pa nang itayo ang itinuturing na pinakamatandang pumping station sa Metro Manila.
Giit nito na dapat mapangalagaan ang Tripa de Gallina pumping station dahil ito ang pipigil sa pagbaha na maaaring umabot hanggang sa Makati City.
Ang mga makokolektang basura ay dadalhin sa brick-making facility sa isa sa mga flood control facility ng MMDA upang gawing bricks, hollow blocks, concrete barriers at compost materials.
Sa kabila ng mga ginagawa ng MMDA ay hindi pa rin maiwasan ang pagbabalik ng basura.
Dahil dito, paalala ni Abalos sa publiko na itapon ang kanilang basura sa tamang lugar.
Giit ni Abalos na rerebyuhin rin ng Metro Manila Council ang pagkakaroon ng uniformed ordinance sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa pagtatapon ng basura sa mga estero at ilog.
Babala pa nito, mumultahan o huhulihin ang mga magtatapon ng basura sa maling lugar.