Pahihintulutan na rin ang religious gatherings sa General Community Quarantine (GCQ) areas pero hanggang 10 % o hanggang 10 katao lamang na seating capacity ng venue simula July 10.

Religious gatherings at pagbubukas ng travel agencies, pwede na sa GCQ

National News

Pahihintulutan na rin ang religious gatherings sa General Community Quarantine (GCQ) areas pero hanggang 10 % o hanggang 10 katao lamang na seating capacity ng venue simula July 10.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, limitado lamang ang pagtitipon sa pagsasagawa ng religious service o worship na walang pagkontra ang Local Government Unit (LGU).

Strikto pa rin aniya ang pagpapatupad ng minimum public health standards, social distancing measures, pagsusuot ng facemask at hand hygiene.

Inihayag din ng palace spokesman na tinanggal na ang naglilimita ng operasyon sa mga salon at barbershop sa paggugupit lamang.

Bagama’t in principle papayagan na ang mga pedicure, manicure, sinabi ni Roque na hintayin lamang muna ang guidelines na ilalabas ng Department of Trade and Industry (DTI).

Sa kabilang banda, puwede na ring magbukas ang mga travel agencies sa GCQ areas pero skeleton force lamang para ma-process yung mga refund ng mga kababayan.

Samantala, inaprubahan na ang rekomendasyon ng National Task Force (NTF) sa pakikipag-ugnayan kasama ang Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay ang expansion ng testing strategy para magamit nang husto ang 10 million test  na nakalap at nabili na ng gobyerno.

Giit pa ni Roque,  ang mga isasailalim sa COVID testing ay hindi lang ang asymptomatic at nagkaroon ng contact sa may COVID-19.

Kasama na ring isailalim sa testing ang mga asymptomatic at iba pang nagsisilbing frontliners tulad ng media at mga kawani ng iba pang ahensya ng gobyerno.

“ Kung sino talaga ang mapapasama sa expanded testing natin na mayroon na tayong 10 million na PCR-testing kits , ito po ay ibabase pa rin sa expanded testing strategy  na subject sa guidelines na iisyu ng National Task Force at DOH”, ayon kay Roque.

Ibig sabihin in principle, aprubado na ang pagtest na rin sa asymptomatic pero hintayin na lang muna aniya ang guidelines na iisyu ng NTF at DOH.

Maliban dito, ani Roque, base sa rekomendasyon ng Philippine Sports Commission at Games and Amusements Board (GAB), pinayagan na ang practice at conditioning ng basketball at football na sang-ayon sa rekwes ng Philippine Basketball Association (PBA) at ibang football associations.