quarantine pass LGU

Quarantine pass, depende pa rin sa panuntunan ng bawat LGU – DILG

National News

Nilinaw ng DILG na hindi na kailangan ang quarantine pass sa ilalim ng general commumnity quarantine (GCQ); ngunit posibleng i-require pa rin ito ng ilang lokal na pamahalaan.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na simula June 1, maaari nang makalabas ang publiko na walang quarantine pass. Pero binigyang-diin nito na limitado pa rin ito dahil ipinatutupad pa rin ang curfew hours sa bawal LGU.

Binigyang-diin ng kalihim na ang pag-alis ng quarantine pass ay upang dahan-dahan na makabangon muli ang ekonomiya. Pero dapat ay hindi nakokompromiso ang ipinatutupad na health protocols.

Inatasan naman nito ang mga local chief executives na mag-anunsyo sa panuntunan nila sa quarantine pass.

Samantala, nilinaw naman ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na kung tatawid ng provincial o regional borders ay kinakailangan pa rin ang travel pass; sapagkat nasa public health parin ang buong bansa at kinakailangan pa rin na limitahan ang galaw ng publiko upang hindi kumalat pa ang virus.

Exempted naman mula sa travel pass ang mga manggagawa. Kailangan lamang na mapresenta ng ID o dokumento mula sa kompanya na nagpapatunay ng dahilan ng pagbiyahe.