Suspendido ng 2 araw ang proseso ng Persons with Disabilities (PWD) card sa Quezon City para bumalangkas ng bagong panuntunan sa pagkuha nito.

Pagproseso ng mga PWD card sa Quezon City, suspendido

Metro News

Suspendido ng 2 araw ang pagproseso ng Persons with Disabilities (PWD) card sa Quezon City para bumalangkas ng bagong panuntunan sa pagkuha nito.

Ito ay matapos masangkot ang city government sa pamimigay ng PWD card sa mga walang kapansanan.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, suspendido simula ngayong Huwebes hanggang Biyernes (June 25-26, 2020) ang nakatakdang suspensyon.

“We will use the two days to come up with the needed safeguards to ensure that only those deserving get the PWD cards,” giit Belmonte.

Pagdidiin ng alkalde, “Our protocols will be revisited and needed controls will be placed so the system will not be abused by greedy and opportunistic individuals”.

Nauna nang pinaimbestigahan ni Belmonte ang hindi makatarungang pamimigay ng PWD card sa anim na may kayang residente ng siyudad.

Nakakuha pa umano ng  card ang anim na residente noong 2018  kahit walang ibinigay na mandatory requirements.

Nagkakahalaga naman ng P2,000 ang nakuha nilang card kahit na hindi pasok sa Republic Act No. 10754 o ‘An Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability’ ang mga ito.

Ayon naman kay Quezon City Attorney Nino Casimiro, pinatawan na ng show cause order ang suspek na nag-isyu ng mga card.

“The person behind the issuance of the ID card will be given 72 hours to explain why he shouldn’t be held administratively and criminally liable,” ani Casimiro.