Connect with us

PNP, napanatili ang mababang active COVID-19 cases

Sa ikaanim na sunod na araw, napanatili ng Philippine National Police (PNP) ang mababang aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Health

PNP, napanatili ang mababang active COVID-19 cases

Sa ikaanim na sunod na araw, napanatili ng Philippine National Police (PNP) ang mababang aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Sa datos ng PNP Health Service, mula 842 kahapon ay bumaba pa sa 814 ang active COVID-19 cases sa pulisya.

Ito ay bunsod na rin ng pagdami ng mga gumagaling sa sakit na umabot na sa 40,594.

Nabatid na nadagdagan ang PNP ng 115 new recoveries.

Habang nakapagtala ng 87 new cases kaya umabot na sa 41,531 ang mga tinamaan ng virus.

Nananatili naman sa 123 ang death toll sa pulisya.

Samantala, kailangang pag-ibayuhin ng publiko ang pagsunod sa minimum public health standards dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.

Ito ang paalala ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar kasunod ng naiulat na Delta coronavirus subvariant o AY 4.2 subvariant sa European nations at Israel.

Sinasabing mas nakahahawa ang Delta subvariant.

Ayon kay Eleazar, naghahanda sila sa posibleng pagbabago sa border protocols upang maiwasang makapasok sa bansa ang nasabing subvariant.

Kasabay nito, tiniyak ng Chief PNP ang kahandaan nila upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng iba’t ibang variants ng coronavirus.

Sa ngayon, hinihintay ng Department of Health (DOH) ang karagdagang impormasyon sa subvariant.

Muling nagpa-alala si PNP chief Police General Guillermo Eleazar sa mga magulang na panatilihin sa loob ng kanilang tahanan ang mga maliliit na bata.

Ito ay matapos mamataan ang ilang bata sa mga pampublikong lugar tulad ng pasyalan na hindi nakasuot o tama ang pagkakalagay ng face mask habang umiiral ang Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Eleazar, nilinaw na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na maaari lamang lumabas ang mga bata kung sila ay magpapagamot o kaya mageehersisyo at dapat kasama pa rin ang kanilang mga magulang.

Babala pa ng Chief PNP, maaaring managot ang mga magulang kung maabutan ng mga pulis ang kanilang mga maliliit na anak na pakalat-kalat sa lansangan o kaya’y nasa galaan.

Matatandaan na patuloy ang pagpapaalala ng PNP sa minimum public health standards dahil sa banta sa COVID-19 at naiulat na Delta subvariant sa European nations at Israel.

More in Health

Latest News

To Top