Hindi na kailangan pang bumalik sa mas striktong community quarantine ang Pilipinas dahil kinakailangan nang buksan ang ekonomiya pero patuloy pa rin  ang pag-iingat laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Pilipinas, hindi na ibabalik sa mas striktong community quarantine

National News

Hindi na kailangan pang bumalik sa mas striktong community quarantine ang Pilipinas dahil kinakailangan nang buksan ang ekonomiya pero patuloy pa rin  ang pag-iingat laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ito ang bingyang-diin ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa virtual press briefing at wala na aniyang alternatibo dahil talagang sagad na ang ekonomiya at kailangan nang maghanapbuhay ng lahat.

Sinabi pa ng Palace official na mayroon na ring natutunan na kapamaraanan ang bansa para masiguradong makaiwas sa COVID-19 habang wala pang bakuna, ito ang pagpapatupad ng minimum health standards.

Kaugnay nito, iginiit ni Roque na kailangang mas maging aktibo ngayon ang mga Local Government Unit (LGU) dahil sila na aniya ngayon ang nagpapatupad ng mas striktong community quarantine o lockdown sa kani-kanilang lugar maging ang mga pribadong sektor sa pagsasailalim sa COVID testing ng kanilang mga empleyado.

Sa kabilang banda, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang aktibong pag-iimplementa nito ng pagbabawal sa pagtitipun-tipon kasabay ng paghingi ng kooperasyon sa lahat.

Binigyang-diin naman ni Roque na nasa kamay na ng indibidwal ang mangyayari sa kalusugan ng bawat isa.

Samantala, muling nanindigan ang palasyo sa paniniwala nito na nagwawagi pa rin ang bansa laban sa COVID-19 dahil napababa na ang namamatay sa sakit na ito.

Ibinahagi ni Roque na ang mortaliy rate ng bansa ay 2.9% lamang at ang global average ay 5.5%.

Aniya,”I will always say we are winning against COVID-19. sa mga ayaw maniwala, sige po. pero habang hindi namamatay ang tao at may kapasidad tayong magbigay-lunas, hindi ko matatanggap na tayo’y hindi nananalo sa sakit na ito.”

Inireport naman ng palasyo na nitong katapusan ng Hunyo, mayroon nang 3 million Personal Protective Equipments (PPEs).

Samantala, pinasinungalingan ng Malakanyang ang napabalitang nagkaubusan na ng hospital beds sa National Capital Region (NCR) para sa mga pasyente ng COVID-19.

Sambit ng palasyo, mayroon pang 28,000 available na hospital beds sa NCR kung saan 8,400 naka-allocate para sa mga pasyente ng namamatay na sakit.