health records duterte ibinasura

Petisyon para isapubliko ang health records ni Pang. Duterte, ibinasura ng Korte Suprema

National News

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na isapubliko ang health records ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema, 13 sa mga mahistrado ang bumoto pabor sa pagbasura ng petisyon. Samantala, dalawa naman ang hindi sumang-ayon dito. Tanging sina Supreme Court Associate Justices Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa ang hindi pumabor.

Sa inihaing petisyon ni Atty. Dino de Leon noong Abril, hiniling nito sa Korte na atasan ang Palasyo na ilabas ang totoong kundisyon ng kalusugan ng Pangulo.

Magugunita na unang sinabi ni Pangulong Duterte na may ilan itong nararamdaman na nakuha nito mula sa kanyang bisyo noong kabataan pa nito.

Maliban naman sa pagbasura ng petisyon, ay hindi na rin pinagkokomento pa ng Korte Suprema si De Leon.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na maaari lamang mapilit ang isang Pangulo na mailabas ang kanyang health kondisyon kung seryoso ang lagay nito.