Iniakyat na sa Korte Suprema ng iba't ibang grupo ang petisyon para igiit sa pamahalaan ang mass testing dahil sa patuloy na banta sa kalusugan dulot ng COVID-19.

Petisyon na magsagawa ng libreng mass testing, inihain na sa Korte Suprema

National News

Iniakyat na sa Korte Suprema ng iba’t ibang grupo ang petisyon para igiit sa pamahalaan ang mass testing dahil sa patuloy na banta sa kalusugan dulot ng COVID-19.

Kabilang sa mga nagpetisyon ang Citizens Urgent Response to End COVID-19, Coalition for the People’s Right to Health, Bahaghari, Migrante International, GABRIELA Network of Professionals, Allied Workers Federation, Kilusang Mayo Uno, Alliance of Concerned Teachers at iba pa.

Pinangalanan naman bilang mga respondents sina Health Secretary Francisco Duque III, Secretary Delfin Lorenzana, na pinuno ng National Task Force on COVID-19, DILG Secretary Eduardo Año at Transportation Secretary Arthur Tugade.

Sinabi ni Atty. Catherine Panguban ng National Union of Peoples Lawyers na sa pamamagitan ng kanilang Petition for Mandamus ay nananawagan sila sa Korte Suprema na i-utos ang pagsasagawa ng mass testing at gawin itong libre para sa lahat.

Hindi anya sapat ang kasalukuyang COVID-19 testing na isinasagawa ng pamahalaan katunayan ay patuloy anya ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng sakit sa bansa.

Kinuwestyon din ng mga petitioner ang magulo o nakakalito umanong pahayag ng DOH sa mga kaso ng COVID-19 na pinaghiwalay pa ang mga “fresh at late cases”.