PBA kumpyansa sa posibleng pagbabalik ng season ngayong taon

Sports

Kumpyansa ang Philippine Basketball Association (PBA) na hindi maaapektuhan ng pinalawig pang General Community Quarantine (GCQ) ang posibleng pagbabalik ng season ngayong taon.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, hindi na nila ikinagulat ang naging desisyon ng gobyerno at ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases na mas palawigin pa ang GCQ dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Dagdag pa ni Marcial, posible lamang na mas mapaluwag ang quarantine measures sa Metro Manila sa susunod na buwan.

Aniya, ang buwan ng Hulyo ay hindi naman huli para sa kanilang team para magkaroon ng physical activities sa gym at umaasa rin siya na makabalik na sila sa kanilang pag-eensayo ng mas ligtas.

Sinabi rin ni Marcial na tuloy ang kanilang pagpupulong kasama ang 12 player representatives sa June 23 upang pag-usapan ang posibleng pagbabalik ng liga.

Matatandaan na nasuspinde ang 45th season ng PBA noong March 8 dahil sa Coronavirus pandemic.