Paniningil kuryente 6 buwan

Paniningil sa kuryente para sa mga apektado ng MECQ, palalawigin nang 6 buwan – ERC

National News

Palalawigin nang 6 na buwan ang paniningil sa kuryente para sa mga apektado ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ito ang inilahad ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship ngayong araw, May 21.

Sinabi ni ERC Chairperson and CEO Agnes Devanadera na maglalabas ang ahensya ng memo para sa naturang hakbang. Aniya, sakop nito ang mga residente na kumokunsomo ng 200 kwh kada buwan; o yung mga walang aircon sa bahay at basic lamang kanilang mga electrical equipment.

Ayon kay Devanadera, sa ilalim ng memo ay maaaring makapagbayad nang paunti-unti sa loob ng 6 na buwan.

Nakatakdang namang ipadala ang memo sa mga power distribution companies. Kasama na rito ang Meralco na sakop ang buong Metro Manila.

Bukod pa rito, inilahad din ni Devanadera sa Senado na una na rin silang nagpalabas ng kahalintulad na memo para sa mga apektado ng naunang ECQ, kung saan maaaring bayaran ng mga kumokunsomo ng 200 kwh kada buwan ang kanilang electricity bills sa loob ng 4 na buwan.