Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ang tropa ng pamahalaan partikular ang sugatang mga sundalo sa Jolo, Sulu na nakipagbakbakan laban sa Muslim extremists.

Pangulong Duterte, pinasalamatan ang mga sundalong nakipagbakbakan sa Sulu

National News

Personal na binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ang tropa ng pamahalaan partikular ang sugatang mga sundalo sa Jolo, Sulu na nakipagbakbakan laban sa Muslim extremists.

Kasabay naman nito, pinasalamatan ng pangulo ang mga sundalo dahil sa paninindigan na protektahan ang bansa mula sa banta ng mga teroristang grupo na sinabayan pa ng COVID-19 pandemic.

Sa talumpati ni Pangulong Duterte, “To our brave soldiers who are with us today, I personally came here to thank you on behalf of the Filipino people for your undying service, especially during these trying times. As we fight the COVID-19 pandemic, lawless elements still take advantage of and ravage across our land, disrupting public order. Recently, it has been a difficult time for our men and women in uniform due to the escalating tensions between the military and the terrorist groups.”

Sa isang talumpati sa harap ng uniformed officer at personnels ng Armed Forces of the Philippines (AFP)  11th Infantry Division (11ID)  sa Camp General Teodulfo Bautista headquarters sa Jolo, sinabi ni Pangulong Duterte na napipigilan ang pag-unlad ng bansa ng ilang dekada dahil sa mga pag-aaklas at terorismo.

Kung kaya, ipinabatid ng chief executive na buo ang kanyang respeto sa kanyang mga sundalo na nagbuwis ng kanilang buhay sa ngalan ng kapayapaan, seguridad, at development efforts sa rehiyon.

Samantala, binanggit din ni Pangulong Duterte ang tila tensyon na naganap sa pagitan ng kapulisan at kasundaluhan kasunod ng pagkapatay sa apat na mga sundalo sa Jolo na kinasasangkutan ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).

Muli namang nagpahayag ng kalungkutan ang presidente sabay nagpaabot ng pakikiramay sa pagkasawi ng mga military men.

Ginarantiya ng punong-ehekutibo na lalabas ang katotohanan kung saan nagbigay na ito ng direktiba sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng agaran at walang kinikilingang imbestigasyon ukol sa Jolo shooting incident.

Aniya, “As your commander-in-chief and as president of the Republic of the Philippines, I assure you that i will see to it that the truth will come out be it in favor of the police or the military. ang hinihingi ko lang ang totoong nangyari.”

Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na magkakaroon ng hustisya ang mga pamilya ng namatay na mga sundalo.

Samantala, sa naturang event, sinaksihan din ni Pangulong Duterte ang paggawad ng parangal na “Order of Lapu-Lapu, Rank of Kampilan” sa dalawang sundalo na sugatan sa nangyaring engkwentro sa mga myembro ng Abu Sayyaf group (ASG) sa Barangay Bakung, Patikul, Sulu.

Pinangunahan nina Lt. Gen. Cirilito Sobejana at Maj. Gen. Corleto Vinluan ang paggawad ng award kina S/Sgt. Ramonito Q. Diapolet at Cpl. Maynard D. Cabote.