Palpak na pagpapauwi ng mga LSI, iimbestigahan sa Kamara

National News

Iimbestigahan ng House Commitee on Good Gov’t and Public Accountability kung  saan nagkulang ang pamahalaan sa hindi maayos na sistema ng pagpapa-uwi ng mga Locally Stranded Individuals  (LSIs).

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Jonathan Sy- Alvarado, may mga health protocols na nalabag dahil sa kumpulan ng mga LSIs sa Rizal Memorial Stadium .

Ani Alvarado, hindi na dapat maulit ang insidente dahil nakasalalay ang buhay ng  LSI kung magsisiksikan  at hindi naipatutupad ang social distancing.

Ipatitiyak din aniya nila sa mga ahensya ng gobyerno na gumaganap dito na dapat  magkakaroon na ng maayos na sistema upang  hindi na maulit  ang insidente.

Kasama rin sa sisilipin ng komite ang maayos na pagtugon ng Local Government Units sa mga umuwing LSIs.

Inimbitahan naman sa pagdinig ang mga kinatawan ng DOLE, DSWD, DOTR, Office of the President, at si COVID-19 testing czar Vince Dizon para magpaliwanag sa mga programa ng gobyerno sa mga LSI.

Sa huli, sinabi pa ni Alvarado na maganda ang hangarin ng programa ngunit sablay  ang implementasyon.