Palasyo, nilinaw na patuloy pa ring nararanasan ng bansa ang ‘first wave’ ng COVID-19

National News

Kasalukuyang nararanasan pa rin ang ‘first wave’ ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa press briefing ngayong araw sa Malacañang. Ito ay kaugnay sa inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng Senado kahapon, May 20.

Inihayag ni Duque na kasalukuyan nang nakararanas na ang Pilipinas ng second wave ng COVID-19.

Ani Roque, nagsimula ang first wave nang dumating ang 3 tsino na mayroong kaso ng COVID-19. Pero hindi aniya ito community acquired; ganoon pa man, doon nagsimula ang first wave.

 “Nagpapatuloy po ang first wave. Sa katunayan, nagpatuloy ito sa buwan ng Pebrero na mayroon tayong konting mga kaso na nai-report. At lumobo sa buwan ng March,” saad ni Roque.

Dagdag pa ni Roque, tumaas pa ang bilang ng COVID-19 hanggang sa buwan ng Mayo pero unti-unti naman na itong bumababa o nagfa-flatten ang curve.

Samantala, humingi naman ng paumanhin ang Palasyo sa publiko sa dulot na pagka-alarma sa pahayag na nasa second wave na ng COVID-19 ang bansa.