Pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang crackdown o pagtugis sa mga nagnanakaw ng kuryente sa lungsod.

Pagtugis sa magnanakaw ng kuryente, pinaigting sa Iloilo City

Regional

Pinaigting pa ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ang crackdown o pagtugis sa mga nagnanakaw ng kuryente sa lungsod.

Kasabay nito ay nagbabala si Iloilo City Mayor Jerry Treñas na ang pinakamabigat na parusa ang ipapataw sa mga nagnanakaw ng kuryente o sa mga gumagamit ng jumper.

Ginawa ni Treñas ang babala matapos nahuli sa akto ang dalawang suspek na sina Nazareno Pagayon na isang Barangay Tanod at Jason Mark Gualin, 26, kapwa residente ng Brgy. Yulo Drive, Arevalo, Iloilo City, na nagtatanggal ng electric meter ng More Electric and Power Corp.

Nahaharap na sila sa kasong Anti-Pilferage of Electricity Act and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994.

Kaugnay ito ay hinimok ni Mayor Treñas ang mga gumagamit pa rin ng illegal connection na mag-apply ng kanilang sariling electric meter sa pamamagitan ng iKonek program, na isang kasunduan sa pagitan ng lungsod at More Power na layuning matulungan ang mga informal settlers sa pagpapakabit ng sariling linya ng kuryente.

Sinabi ni More Power President Roel Castro na sa ilalim ng iKonek Program ay matatapos sa loob ng 10 hanggang 12 araw ang proseso ng aplikasyon dahil mayroong One Stop Shop para sa mabilis na pagproseso ng requirements.

Samantala, pinapaimbestigahan na ni Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny Lagon ang distribusyon ng kuryente sa Iloilo City matapos ang laganap na brownout sa siyudad sa mga nagdaang linggo na nakakaapekto sa COVID- 19 efforts ng lokal na pamahalaan.

Batay sa inahaing House Resolution No. 785 ni Lagon, nais nitong matukoy ang sanhi at masolusyunan ang problemang ito ng syudad.

Ayon kay Lagon, mahalaga na hindi maapektuhan ang mga residente ng Iloilo dahil sa kawalan ng suplay ng kuryente lalo’t higit sa panahon ng pandemya partikular na sa mga ospital.

Nauna namang sinabi ni Dr. Stephanie Abello, ang chief pathologist ng Western Visayas Medical Center sub-national laboratory na malaki ang epekto ng mga brownout sa kanilang operasyon.

Partikular aniya sa mga naapektuhan ay ang mass testing ng syudad na nangangailangan ng stable na kuryente para sa mga laboratoryo.

Pangamba pa ni Abello na kung hindi mareresolba ang problema sa kuryente sa Iloilo ay lalo pang babagal ang testing na kanilang ginagawa dahil hindi nila magagamit ang kanilang bio-safety cabinet dulot sa madalas na brownout.