Nagpapatuloy ang pagsasanay sa mga contact tracer sa Cebu City at  naging maganda na ang resulta sa ginawang pagsusuri sa lungsod dahil sumusunod na ang mga Cebuano sa ipinatutupad na Community Quarantine.

Pagsasanay sa mga contact tracer sa Cebu City, nagpapatuloy

National News Regional

Nagpapatuloy ang pagsasanay sa mga contact tracer sa Cebu City at  naging maganda na ang resulta sa ginawang pagsusuri sa lungsod dahil sumusunod na ang mga Cebuano sa ipinatutupad na Community Quarantine.

Ito ang inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año  kung saan mayroon na ngayong 4,000 teams na binubuo ng halos 50,000 contact tracers at nagpapatuloy ang pagsasanay at almost 40% na ang na-train.

“ Baka siguro in the coming weeks ay makapagsimula tayo na makapag recruit ng bagong contact tracer”, ani Año.

Sinabi pa ng kalihim na sisimulan na ang distribusyon ng mga contact tracer sa Cebu City lalo na  sa mga lugar na heavily affected ng COVID-19 at sa mga lugar na kaunti lang ang health capacity.

Samantala, inaasahan namang magkakaroon ng ‘remarkable changes’ sa Cebu City at Cebu Province  pagkatapos ng ika-15 ng Hulyo sa gitna ng ipinaiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Aniya, “I can see na we are in the right direction at hopefully by July 15 makagraduate ang Cebu City from ECQ”.

Una rito, ani Año, nagkaroon sila ng diyalogo kasama ang Local Government Unit (LGU), mga pribadong sektor, health organizations, mga may-ari ng malalaking ospital at constituents ng Cebu City at Cebu Province.

Binisita rin aniya nila ang mga health centers at hospitals doon maging ang Cebu International Airport na tumatanggap na ngayon ng returning Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa ibang mga bansa.

Binanggit din ni National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez JR. na nag-improve na ang COVID-19 response sa Cebu City.

Sa kabila nito, plano din ng NTF na sa sa buwang ito na tatanggap ng 5,000 hanggang 7,000 na OFWs araw-araw gamit ang NAIA terminals, sa Clark International Airport maging sa Cebu Airport na magkarga ng mga pasahero .

Sinabi pa ni Galvez na target nila na bago magtapos ang Hulyo ay maaari nang tumanggap ang lungsod ng 4,000 OFWs.

Pinasalamatan naman ni Galvez ang mga pribadong sektor sa pagtulong sa gobyerno na nagpaabot ng mga donasyon para sa apektado ng lockdown sa Cebu.

Inilatag din ni Galvez ang mga maling implementasyon ng quarantine protocols sa Cebu City kung kaya sumirit ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa lungsod: una ay ang maling home quarantine, mahinang contact tracing, makapal na populasyon at kakulangan ng mga ospital.

Maliban sa Cebu, binabantayan din ng NTF ang Region 8 dahil sa pagtaas ng numero ng COVID-19 cases ng rehiyon bunsod ng mga umuuwing Locally Stranded Individuals (LSIs) at returning OFWs na sumasakay sa mga logistic na barko at hindi nare-record na kontaminado ng virus.

Kung kaya, tinatawagan ngayon ng pansin ng NTF ang Philippine Coast Guard (PCG) upang paigtingin ang pagbabantay sa mga LSI at returning OFWs na hindi nailista na sumasakay sa mga barko.

Samantala, para higit na makatutulong sa pagpapatupad ng ECQ sa naturang lungsod, dinagdagan na rin ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).