Pagproseso ng permits sa pagtayo ng telco towers, gagawin nalamang sa loob lamang ng 3 linggo

National News

Nasa 16 hanggang 20 araw na lang ang pagproseso ng permits para sa pagtatayo ng telco towers.

Ito ang ibinahagi ni Department of the Interior and Local Government Eduardo Año sa isinagawang public briefing sa Malacañang kagabi.

Isang joint memorandum circular ang pinirmahan ng ilang departamento ng pamahalaan noong July 22 bilang pagtugon na rin sa hiling ng telecommunications companies.

Bunsod na rin ito sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaari niyang ipasara ang mga telco dahil sa mahinang internet connection.

Ayon kay Año, mula sa 200 araw na pagproseso ng licenses, applications at permits ay magiging tatlong linggo nalamang ito.

Titiyakin rin ni Año na susundin ito ng lahat ng mga Local Government Unit.

Samantala, masaya naman si Globe Telco President Ernest Cu, personal na dumalo sa naging public briefing para sa naturang anunsyo.

Matatandaang sinabi ng mga telco companies na dahil sa matagal na proseso ng kanilang application ay naapektuhan din ang serbisyo nila sa mga mamamayan.