Mariing kinondena ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagpatay sa piskal ng Maynila na si Prosecutor Jovencio Senados na hepe ng Inquest sa Manila Regional Trial Court.

 Pagpatay sa piskal ng Maynila, pinapaimbestigahan na  sa NBI

Metro News

Mariing kinondena ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagpatay sa piskal ng Maynila na si Prosecutor Jovencio Senados na hepe ng Inquest sa Manila Regional Trial Court.

Sinabi ni Guevarra na patunay ito ng panganib na kinakaharap ng mga piskal sa bansa habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Agad namang inatasan ni Guevarra ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring ambush.

Nakuhanan naman ng CCTV ang mga suspek na sakay ng itim na SUV na may plakang ABG-8133 na alang habas na pinagbabaril ang sasakyan ni Senados na agad nitong ikinamatay dahil sa tindi ng mga tama ng bala ng baril sa kanyang ulo, habang nakaligtas naman ang driver nito.

Sakay ng kaniyang pulang kotse ang biktima nang tambangan ng mga suspek sa sa Quirino Highway kanto ng Anakbayan sakop ng Brgy. 686, Paco, Maynila pasado alas 11:05 kaninang umaga.

Kaugnay nito, Ipinag-utos na ni  Manila Police District o MPD Director P/Brig.General Rolando Miranda ang dragnet operation para sa madakip ang mga salarin.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaslang na posible umanong may kinalaman sa hinahawakang mga kaso ng biktima.

Ayon kay P/Col Ariel Caramoan, MPD Station 5, nagsagawa na ng dragnet operation ang Manila police laban sa mga suspek.

Hawak na rin nila ang CCTV footage na kung saan makikita ang pagpatay sa piskal ng Maynila.