Pagpasa ng provisional franchise ng ABS-CBN, magdudulot ng maraming problema – Enrile

National News

Magdudulot ng maraming problema kapag naisabatas ang provisional franchise ng ABS-CBN.

Ito ang naging pahayag ni dating Senador Juan Ponce Enrile sa kangyang programa sa Dito Sa Bayan ni Juan sa Sonshine Radio.

Ito ay kaugnay sa ginawang hakbang ng Kamara na bigyan ng isang provisional franchise ang ABS-CBN matapos mapaso ang prangkisa nito noong Mayo 4.

Ani Enrile, magbabanggaan ang Korte Suprema at ang Kongreso sakaling payagan ng Kongreso na magpatuloy ang Kapamilya network gamit ang nasabing provisional franchise.

“Dahil kung desisyunan ng Korte Suprema yung quo warranto na isinampa ng solicitor general at yung desisyon ng Korte Suprema kontra sa ABS-CBN, anong mangyayari doon sa ilalabas na batas ng Kongreso? Mare-repeal ba yun? Eh kung hindi, at hindi mare-repeal.”

“Ang Korte Suprema [kung] ideklara na unconstitutional yung operasyon ng ABS-CBN; sabi naman ng Kongreso, papayagan namin, dahil may kapangyarihan kami na (magbigay ng) temporary franchise; anong mangyayari  sa kalagayan ng Saligang-Batas natin sa impresyon ng buong mundo? Pagtatawanan tayo.”

Samantala, maituturing na ‘unconstitutional’ ang ginawa ng Mababang Kapulungan matapos ipasa sa una at ikalawang pagbasa ang House Bill No. 6732 o ang panukalang magbibigay ng provisional franchise sa ABS-CBN hanggang Oktubre 31, 2020 sa loob lamang ng isang araw.

Alinsunod sa Saligang-Batas, labag ang ginawang pagmamadali ng Kongreso sa naturang panukala. Dahil hindi maaaring magsagawa ng dawalang pagbasa sa isang panukalang batas sa loob lamang ng isang araw.

Ayon sa Article VI, Section 26 (2) ng Konstitusyon, para maisabatas ang isang panukala ay dapat itong dumaan ng tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw.

“Hindi puwede yun! unconstitutional yun, invalid yan,” pahayag ni Enrile.

Samantala, binigyang-diin ni Enrile na dapat sundin ng kahit sino sa pamahalaan ang Saligang-Batas.

“Basta sundin nila ang Saligang-Batas. Ang guide ng kahit sino sa gobyerno ay ang Saligang-Batas.”