Connect with us

Pagpapabuti sa kalagayan ng ekonomiya sa gitna ng pandemya, isusulong ni FPI Pres. Dr. Jesus Arranza sa Senado

Nakapagdesisyon na tumakbo sa pagkasenador si Federation of Philippine Industries President Dr. Jesus Lim-Arranza para isulong ang pagpapahusay sa sektor ng paggawa at ang agrikultura para sa ikauunlad ng ekonomiya

National News

Pagpapabuti sa kalagayan ng ekonomiya sa gitna ng pandemya, isusulong ni FPI Pres. Dr. Jesus Arranza sa Senado

Nakapagdesisyon na tumakbo sa pagkasenador si Federation of Philippine Industries President Dr. Jesus Lim-Arranza para isulong ang pagpapahusay sa sektor ng paggawa at ang agrikultura para sa ikauunlad ng ekonomiya.

Sa panayam ng Sonshine Radio, sinabi ni Dr. Arranza na panahon na para matutukan sa senado ang sektor na nagsusulong sa ekonomiya ng bansa lalo na ngayong bumabagsak ito sa gitna ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Partikular na dito ang manufacturing, agrikultura, paggamit ng virgin coconut oil para sa pagsusulong sa kalusugan ng mga Pilipino at pantay na pasahod sa mga manggagawa sa buong bansa.

Paliwanag pa ni Dr. Arranza, ilang beses na niya itong isinulat at isinumite sa senado at sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno pero wala pa rin siyang natatanggap na feedback dito.

Kabilang sa mga usapin na nais bigyang-pansin ni Dr. Arranza ang pagsuporta sa manufacturing sector na tinaguriang haligi ng ekonomiya ng bansa.

Ipinunto rin ni Dr. Arranza na madalas ang ginagamit na makinarya sa mga pagawaan ng bansa ay obsolete na o pinaglumaan na ng ibang mga bansa.

Partikular na aniya dito ang pagbili ng induction furnace mula sa China na ginagamit ng bansa sa paggawa ng bakal.

Ngunit ito aniya ay obsolete na o hindi na ginagamit ng China dahil sa mas makabago nilang teknolohiya.

Nangangahulugan aniya ito na ang mga obsolete o dilapidated na mga imported na makina ay nagiging ka-kumpetensya pa sa sariling electrical furnaces ng Pilipinas.

Kasama rin sa isinusulong ni Dr. Arranza ang suporta ng gobyerno sa mga imbentor ng bansa lalo na sa usapin ng kalusugan.

Kaugnay ito sa produktong virgin coconut oil (VCO) na ayon sa kanila mismong pag-aaral ay nakatutulong sa pagpatay sa virus tulad ng sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) at COVID-19.

Hinggil naman sa sektor ng agrikultura, nais ni Dr. Arranza na maresolba ang kakulangan ng suplay ng karne baboy sa pamamagitan ng pananaw ng isang negosyante.

Binigyang-diin nito na hindi tugon sa naranasang kakulangan o shortage sa karne ng baboy kamakailan lang ang importasyon ng karne ng manok para matugunan ito kundi ang pagsuporta sa sektor ng magbababoy.

Isa rin sa tinukoy ni Dr. Arranza ang hindi pantay na pasahod sa mga manggagawa sa Mindanao at Visayas na sadyang mababa kung ikukumpara sa Luzon partikular na sa Metro Manila.

Iilan lamang aniya ito sa mga dahilan kaya nagdesisyon siyang maghain ng kanyang kandidatura sa pagka-senador sa darating na halalan.

Si Dr. Arranza ang isa sa mga anchor ng Sonshine Radio sa kanyang programang ‘Dito sa Bayan ni Juan’ kasama si dating Senate President Juan Ponce Enrile, at kasalukuyan rin itong chairman ng Federation Of Philippine Industries, Inc at president ng Uniwide Holdings, Inc.

More in National News

Latest News

To Top