Pagbubukas ng klase sa Agosto, nais ipagpaliban ng isang mambabatas

National News

Nananawagan si Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong  na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 para sa School Year 2020- 2021.

Ibinulgar din ng kongresista na wala pang inilalabas na konkreto at kumprehensibong guidelines ang Department of Education (DepEd) sa nalalapit na pagbubukas ng pasukan.

Ngayong patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, nais nitong sa buwan na lamang ng Setyembre o Oktubre buksan ang klase.

Sa naging panayam ng SMNI News kay Cong. Ong, sinabi nitong hindi rin malinaw sa maraming paaralan ang magiging takbo ng pag-aaral.

Aniya, “Until now wala po ho talagang inilalabas ang DepEd ng very direct, very comprehensive na guidelines with regard to the school opening even sa mga private school, alam natin may mga announcement na magsisimula na nga iba at the end of July kasi nag-start na sila ng enrollment as early as June.”

“So, nananawagan po tayo sa DepEd, kung talagang ipipilit nila, sana maglabas na sila ng konkretong guidelines. Kasi paano po iyon, maglalabas lang sila ng guidelines kung ang ibang eskwelahan magi-i-start na, parang ang gulo-gulo po.”

Punto pa ng mambabatas na marami pa rin silang nakukuhang reklamo mula sa mga magulang ng mga estudyante patungkol sa enrollment.

“Marami din ho tayong nakukuhang complaints from parents na yung mga enrollment napakadami pa ring extra fees na hindi naman ho kailangang i-charge.”

“Like meron pa ngang mga class picture, P.E. uniform, laboratory, pero during these times, alam naman po natin na walang class picture, di ba?”, paliwanag ni Ong.

Matatandaang, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11480 na nag-aamyenda sa section 3 ng RA No. 7797 o mas kilala bilang “An act to lengthen the school calendar from two hundred (200) days to not more than two hundred twenty (220) class days”.

Ang naturang amendment ay magbibigay ng kapangyarihan sa pangulo para magtakda ng bagong petsa ng pasukan na base na rin sa rekomendasyon ng Department of Education.

Ngunit hanggang ngayon ay wala pang pinal na desisyong inilalabas ang DepEd at nakatakda pa rin ang pagbubukas ng klase sa Agosto.

Nauna namang sinabi ng DepEd na blended learning ang gagamitin sa pagtuturo sa mga estudyante gamit ang ibat-ibang learning modalities.