Pagbabalik ng operasyon ng tren, pinaghahandaan na ng NCRPO

Pagbabalik operasyon ng mga tren, pinaghahandaan na ng NCRPO

Metro News

Nakipagpulong ang mga opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga rail transit security managers/officerspara sa pagbabalik operasyon ng mga tren sa Metro Manila.

Mismo si Metro Manila police chief PMGen Debold Sinas ang nanguna sa naturang dayalogo kaninang hapon sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City kasama ang NCRPO Command Group.

Layunin ng pagpupulong na makabuo ng security plan para sa lahat ng posibleng senaryo batay sa panuntunan ng pamahalaan para sa posibleng pagbabalik operasyon ng mga tren.

Tiniyak ni PMGen. Sinas sa mga Rail Transit Security Manager/ Officer na nakahanda ang NCRPO na umalalay sa kanila para sa kaligtasan ng mga mananakay.

Isang simulation exercise naman ang nakatakdang gawin ng NCRPO at train security managers/officers sa May 26, 2020, ala-una ng hapon, kaugnay sa posibleng ilalatag nilang plano.

“We will have our Simex that will start from Manila Metro Rail Transit System Line 3 North Avenue Station to Taft Station on Tuesday. We are inviting our media friends to coordinate with us and cover the said activity. During the SIMEX, we will test the modified security plans and procedures in preparation of the “new normal”,” saad ni Sinas.

Sa sandaling bumalik ang operasyon ng LRT, MRT at PNR, ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing ang magiging hamon ng otoridad.

Dapat ding matiyak na ang mga mananakay ay walang mga sintomas ng COVID-19, naka-face mask at dadaan sa disinfection process.

Kinokunsidera rin ng pamahalaan na hindi pahintulutan na makasakay ang mga buntis, at edad 20 pababa at 60 pataas.