Code red alert, itinaas na ng DOH sa COVID-19

DOH, bukas sa gagawing imbestigasyon ng Ombudsman kay Duque

National News

Bukas ang Department Of Health (DOH) sa isasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban kay Health Secretary Francisco Duque III at iba pang opisyal ng kagawaran.

Ito’y kaugnay sa umano’y iregularidad sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) response.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, bumuo na sila ng joint investigationg team na sisiyasat sa mga alegasyon laban kay Duque at iba pang opisyal at empleyado ng Department Of Heath (DOH).

Partikular aniya sa mga isyung iimbestigahan ang delayed na procurement ng Personal Protective Equipments (PPEs) at iba pang medical gear para sa mga health worker, mga irregularidad na nagdulot ng kamatayan ng ilang medical workers at frontliners.

Gayunpaman,nanindigan din ang DOH na mananatili silang transparent sa pagtugon sa pandemic at handang makipagtulungan sa mga otoridad.

Kasama rin sa iimbestigahan ang mabagal na aksyon sa mga benepisyo at financial assistance ng mga namatay at infected medical frontliners at ang magulong reporting ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Binigyan naman ni Martires ng otoridad ang kanyang mga team na maghain ng nararapat na criminal at administrative charges laban sa mga opisyal o empleyado na tatanggi na tumugon sa kanilang legal process.

Samantala, iginagalang naman ng Malacañang ang desisyon ng Ombudsman na imbestigahan si Duque at iba pang health officials.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bilang isang independent constitutional body ay hahayaan nila ang Ombudsman na patakbuhin ang proseso base sa kanilang paraan.

Inatasan naman ng palasyo si Duque at ang buong DOH bureaucracy na makipagtulungan sa imbestigasyon at respetuhin ang kautusan ng Ombudsman.