Posibleng kasuhan ng Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) ng obstruction of justice ang mga sundalong rumisponde sa shooting incident sa Jolo, Sulu.

Mga sundalong rumisponde sa Jolo, Sulu shooting incident, kakasuhan

National News

Posibleng kasuhan ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) ng obstruction of justice ang mga sundalong rumisponde sa  Jolo, Sulu shooting incident .

Ito ay matapos aminin ng Philippine Army na mga sundalo at hindi mga pulis ang nakuhanan ng CCTV matapos ang naganap na insidente.

FB post ni dating AFP chief at NIA Administrator Ricardo Visaya hinggil sa CCTV footage sa nangyaring Jolo, Sulu.

Ayon kay PRO-BARMM regional director Police Brigadier General Manuel Abu, mali ang ginawa ng mga sundalo na pakialaman ang crime scene kung saan kinuha ng mga ito ang laman ng sasakyan kabilang na ang mga baril ng mga biktima.

Mainam anya na hinihintay na lang ng mga sundalo na dumating sa lugar ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Pinabulaanan din ni Abu ang pahayag na walang mga pulis sa lugar dahil pumuwesto sila sa gilid nang dumating ang mga nakasibilyang sundalo para maiwasan ang kumprontasyon pero hindi na ito nakunan ng video.

Una nang nilinaw ng Philippine Army na mga sundalo at hindi mga pulis ang mga lalaking nakuhanan ng CCTV matapos ang Jolo, Sulu shooting incident.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Colonel Ramon Zagala, agad rumisponde ang tropa ng gobyerno matapos makarating sa kanila ang balitang may shooting incident pero pagdating nila sa lugar ay walang mga pulis.

Tiningnan din anya ng mga rumispondeng sundalo ang katawan ng mga biktima upang malaman kung may buhay pa sa mga ito.

Nabatid na ang nagbukas sa pinto ng SUV ay ang kapatid ng nasawing si Corporal Abdal Asula.

Gumawa rin anya ito ng makeshift na unan para sa kapatid at kinuha ang gamit nito.

Matapos nito ay doon pa lamang dumating ang mga pulis at SOCO.

Aminado naman ang militar na may lapses ang mga sundalong rumisponde sa lugar.