Nuclear Energy Program, pag-aaralan na ng Pamahalaan

National News

Nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng paglalabas ng Executive Order 116 na bumuo ng isang inter-agency committee na siyang magsasagawa ng pag-aaral upang ma-determina at ma-develop ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa Nuclear Energy Program.

Bubuuin ang nuclear energy program inter-agency committee na may layon na magkaroon ng assessment at kaukulang ebalwasyon kaugnay ng posibilidad na gumamit na rin ng nuclear power ang bansa.

Saklaw din ng pag-aaral sa Nuclear Energy Program ang posibleng idulot nitong epekto sa kalikasan at seguridad.

Batay din sa EO, hindi lamang dapat nakatuon sa Bataan nuclear power plant ang gagawing pagsisiyasat ng mga kinauukulan sa gitna ng ikinokonsidera ng pamahalaan na makatutulong ang paggamit ng enerhiyang mula sa nuclear sa ekonomiya ng Pilipinas.

Magsisilbing chairperson ng inter-agency committee ang Department of Energy (DOE) habang tatayong vice chairperson ang kinatawan mula sa Department of Science and Technology (DOST).

Kabilang naman sa magiging myembro ng inter-agency committee  ang Department of Interior Local Government (DILG), Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), Department of Finance (DOF), Department of Foreign Affairs (DFA), National Economic and Development Authority (NEDA), National Power Corporation (NaPoCor), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs), at National Transmission Corporation.