National News
NTF, nakapagtala ng 680K jabs na pinakamataas na bakunahan sa isang araw
Umaabot sa 680,000 COVID-19 jabs ang naitala ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 nitong 3 ng Agosto, na siyang pinakamataas na bakunahan sa loob lamang ng isang araw sa buong bansa.
Sa laging handa public briefing, sinabi ni Testing Czar at NTF Deputy Chief Implementer Secretary Vince Dizon na nitong 3 din ng Agosto, nakapagturok ng 164K shots sa National Capital Region (NCR) lamang at ang pinakamataas na numero na nai-administer sa NCR ay 190K doses.
Dahil dito, tiwala si Dizon na kakayanin ng mga Local Government Unit (LGU) sa Metro Manila ang target na 250K daily jabs sa loob ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) period basta’t mayroon lamang sapat na suplay ng bakuna.
Sa kabuuan, nasa halos 22M na ang naiturok na COVID-19 vaccines sa bansa.
Samantalang halos 10M naman ang fully vaccinated na.
Pinasalamatan naman ni Dizon ang mga Local Government Unit (LGU) at mga pribadong sektor sa pakikipagtulungan sa national government para maabot ang milestone na ito.