Sinas mananatili Duterte

NCRPO Chief Debold Sinas, mananatili sa kanyang posisyon – Pang. Duterte

National News

Dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si NCRPO Chief Major General Debold Sinas sa kabila ng kasong kriminal na isinampa laban rito dahil sa umano’y paglabag sa quarantine rules.

Sa isang public briefing, sinabi ni Pangulong Duterte na mananatili sa kanyang pwesto si Sinas.

“Sabihin mo, the law is the law, well akin na yun. It’s my responsibility. But I will not order his transfer. He stays there until further order,” pahayag ng Pangulo.

Pagbigay-diin ng Punong-Ehekutibo, mabuti at matapat na opisyal si Sinas at hindi aniya kasalanan nito kung may naganap na ‘Mañanita.’

“Ako yung ayaw na malipat siya. He is a good officer. He is an honest one. Hindi niya kasalanan kung may magharana sa kanya sa birthday niya,” dipensa pa ng Pangulo.

Iginiit pa ng Chief Executive na pinag-aralan niya ang merits at demerits at sinabing mas kailangan niya sa mga panahong ito ang taong katulad ni Sinas lalo na sa trabaho niya sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa bunsod ng pandemya.

Nakatitiyak naman si Pangulong Duterte na kung alam lamang ni Sinas na magkakaroon ng ‘Mañanita’ ay hindi ito papayag.

Nag-ugat ang paghahain ng kasong kriminal sa ‘Mañanita’ na isinagawa para sa kaarawan ni Sinas noong May 8 na umano’y nalabag doon ang ipinatutupad na safety at health protocols kontra COVID-19 gaya ng pagbabawal sa mass gatherings at physical distancing.