NAIA, pinapapalitan ng bagong pangalan na walang bahid ng pulitika

Uncategorized

Pinapapalitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng pangalan na walang halong kulay at pulitika.

Sa inihaing  House Bill No. 7031 nina Deputy Speaker Paolo Duterte, Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco at ACT-CIS Rep. Eric Go Yap, nais nilang pangalanan ang NAIA bilang ‘Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas’.

Ayon kay Deputy Speaker Duterte, kailangan ng mas malinaw na branding ng pangunahing paliparan ng bansa.

Giit din ng Presidential Son na ang mungkahi nilang pangalan ay salin sa pambansang wika ng mga Pilipino.

“We need a more representative branding for the international gateway of our country, thus our proposal renaming NAIA to the Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas. Aside from it bearing our country’s name, it is in our national language,” ani Duterte.

Dagdag pa nito, “We want it to reflect the legacy of the Filipino people, our everyday heroes. The name bears no color, no political agenda. It only signifies our warmth as Filipinos in welcoming our own kababayans and foreign visitors”.

Ayon naman kay Congressman Velasco, mas makikilala pa ang Pilipinas kung papalitan ang pangalan ng NAIA.

“I am confident that by doing so, it will provide us a competitive edge as our neighbors open their doors, too, to visitors. Changing the name of NAIA to Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas  gives every Filipino a great sense of pride and ownership of the country’s biggest and largest international airport,” saad ni Velasco.

Para naman kay Yap na Chairman ngayon ng Appropriations Committee, mas mararamdaman ng mga Pilipino at balik-bayan na sila’y nasa bansa na kung ipapangalan ang pinakamalaking paliparan ng bansa sa Pilipinas.

Sabi ni Yap, “Gusto natin na paglapag pa lang ng eroplano dito, pangalan na agad ng bansa natin ang bubungad sa ating mga balik-bayan pati sa mga turista mula sa ibang bansa. Ating iparamdam sa kanila na sila ay nakauwi na sa kanilang tahanan”.

Taong 1987 nang palitan ang pangalan ng NAIA na dati ay ang Manila International Airport sa ilalim ng Republic Act 6639.