Nagpositibo sa COVID-19

Nagpositibo sa COVID-19 sa hanay ng PCOO, umabot na sa 25

National News

Umabot na sa 25 ang bilang ng mga personahe ng Presidential Communications Operations Office   (PCOO) at attached agencies nito ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, kabilang sa personnels na tinamaan ng virus ay ang nasa production of communication materials,  tv at radio programs na umaalalay sa pang-araw-araw na press briefings.

Dagdag pa ni Andanar, upang mapaigting pa ang inisyatiba at aksyon sa pagtugon sa sitwasyon, binuo ang COVID-19 response team para makipag-ugnayan pagdating sa contact tracing, testing, monitoring, at isolation o quarantine.

Sa 25 na bilang ng COVID positive, aabot sa 17 ang aktibong kaso mula sa kanilang main office habang ang natitirang 6 ay mula sa attached agencies nito, 2 naman ang nasawi.

Sinigurado naman ng PCOO na patuloy na maipararating ang mga importante at napapanahong impormasyon sa mamamayang Pilipino sa kabila ng hindi kanai-nais na sirkumstansyang dumating sa bansa gaya nga ng COVID-19 pandemic.

Habang nananatiling suspendido ang trabaho sa NEB, mayroon ring work-from-home arrangement para magpatuloy ang pagtatrabaho.

Matatandaang isinailalim ang Radio Television-Malacanang (RTVM) sa 2 linggong lockdown matapos magpositibo ang dalawang kawani nito sa COVID-19.

Para sa State of the Nation Address (SONA) ngayong araw, naka-deploy ang ibang team ng RTVM na binubuo ng mga indibidwal na hindi nakahalubilo ang infected personnels.