Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi nila tatantanan ang mga establisyemento na nagbebenta ng N95 face masks sa mataas na halaga na siyang pinaka-kailangan ngayon ng mga lugar na apektado ng Taal Volcano eruption.

Nag-over price sa N95 facemask, tiniyak na maparurusahan – DTI

National News

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi nila tatantanan ang mga establisyemento na nagbebenta ng N95 face masks sa mataas na halaga na siyang pinaka-kailangan ngayon ng mga lugar na apektado ng Taal Volcano eruption.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na may suggested retail price na itinakda para sa N95 masks at ang sinomang lalabag dito ay haharap sa kaukulang kaso.

Katunayan, may mga nasampulan ng establisyemento ang DTI sa kanilang pag-iikot kahapon sa Maynila na nagbebenta ng peke at mahal na N95 masks.

Posible aniya na maharap sa mga kaso ang mapapatunayang nandaraya sa mga mamimili at may katapat na multang aabot sa P5,000 hanggang P1 million.

Samantatala, ipinaubaya muna ng Department of Justice sa DTI ang pag-iimbestiga sa umano’y overpricing ng mga N95 face masks.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari naman niyang atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon pero nilinaw nito na ang DTI ang may pangunahing hurisdiksyon sa isyu.

Sa ngayon anya ay kumikilos at nag-iimbestiga na ang DTI kaya wala pa umanong pangangailangan para manghimasok ang NBI.

Gayunman ay maghihintay pa rin anya ang DOJ sa ihahaing kaso ng DTI laban sa mga posibleng lumalabag sa consumer law at kung sakaling makitaan ng probable cause ang reklamo ay nakahanda anya ang piskalya na litisin ang kaso.

#

Mj Mondejar/Jun Samson