Hawak na ng Department of Justice ang kopya ng resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa Jolo, Sulu shooting incident.

Mga sundalo ang nakuhanan ng CCTV matapos ang shooting incident sa Jolo, Sulu

Metro News National News

Nilinaw ng Philippine Army na mga sundalo at hindi mga pulis ang mga lalaking nakuhanan ng CCTV matapos ang insidente sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Colonel Ramon Zagala, agad rumisponde ang tropa ng gobyerno matapos makarating sa kanila ang balitang may shooting incident pero pagdating nila sa lugar ay walang mga pulis.

Tiningnan din anya ng mga rumispondeng sundalo ang katawan ng mga biktima upang malaman kung may buhay pa sa mga ito.

Nabatid na ang nagbukas sa pinto ng SUV ay ang kapatid ng nasawing si Corporal Abdal Asula.

Gumawa rin anya ito ng makeshift na unan para sa kapatid at kinuha ang gamit nito.

Matapos nito ay doon pa lamang dumating ang mga pulis at SOCO.

Aminado naman ang militar na may lapses ang mga sundalong rumisponde sa lugar.

Una nang sinabi ng Philippine National Police na ipinauubaya na nila sa National Bureau of Investigation ang pagsusuri sa authenticity ng kumakalat na CCTV footage.

Sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nasa kamay na ni Interior Secretary Eduardo Año ang initial report ng NBI.

Naniniwala ang kalihim na mabibigyang linaw ang insidente lalo’t may mga testigo at CCTV footage kaugnay nito.

Kinausap na rin Lorenzana ang mga commander ng Philippine Army at kanyang pinagsabihan na huwag magpadala sa emosyon ng nangyari sa pagitan ng mga pulis at sundalo.