Nakahanda na ang iba't-ibang rehiyon sa bansa para sa nakatakdang pagbubukas ng klase ayon sa Department of Education Secretary Leonor Briones.

Mga rehiyon sa bansa, handa na sa darating na pasukan-DepEd

National News

Nakahanda na ang iba’t-ibang rehiyon sa bansa para sa nakatakdang pagbubukas ng klase.

Ito ang kinumpirma ni Department of  Education Secretary Leonor Briones sa isang televised briefing na inere Miyerkules ng gabi kung saan may mga eskwelahan na aniya sa mga rehiyon ang mag-iimplementa ng kani-kanilang uri ng blended learning para sa School Year 2020-2021.

Idinagdag pa ng kalihim na sa ibang rehiyon, binibigyan ng reading materials ang mga bata at may mga munisipyo naman na nagbibigay ng tulong pinansyal para pambili ng mga materyales.

Inilahad ni Briones na kanya-kanyang diskarte at adjustments ang mga lokal na pamahalaan, depende aniya kung anong available na paraan basta’t ang bottomline dito, patuloy ang pag-aaral ng mga bata.

Naglatag naman ng iba’t-ibang opsyon ang DepEd sa nakatakdang opening of classes, ito ay pwedeng online, offline, radyo o telebisyon.

Dagdag pa ni Briones, magre-recruit din ang kagawaran ng mga tinatawag na para-teachers, kasi hindi aniya lahat ng mga magulang kayang magturo.

Muli namang nanindigan ang DepEd na gagawin ang pagbubukas ng klase sa August 24.

Sa kasalukuyang Republic Act No. 7977, nakasaad dito na ang pagbubukas ng klase ay hindi maaaring lumagpas sa pagtatapos ng buwan ng Agosto.