food establishment dine-in

Mga food establishment na nasa ilalim ng modified GCQ, papayagan nang tumanggap ng dine-in

National News

Maaaring nang tumanggap ng dine-in ang mga restaurant at kainan na nasa ilalim ng modified general community quarantine.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pulong balitaan sa Palasyo ngayong araw.

Aniya, pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na tumanggap ng dine-in; ngunit kailangang hindi lalagpas sa 50% ang customers mula sa maximum capacity ng isang food establishments.

Maliban dito, kailangan pa ring siguraduhin ng mga food establishment na maipatutupad ang social distancing at iba pang health protocols.

Sa ngayon, kabilang sa modified GCQ ang Cordillera Administrative Region, Regions I maliban sa Pangasinan, IV-B, V, VI, VIII, IX maliban sa Zamboanga City, X, XI maliban sa Davao City, XII, CARAGA, at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.