Connect with us

Mayor Isko at VP Robredo, pinupulitika ang COVID-19 response ng gobyerno – Malakanyang

Binira ng Malakanyang sina Manila Mayor Moreno Domagoso at VP Robredo sa pamumuna ng mga ito pagdating sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno

National News

Mayor Isko at VP Robredo, pinupulitika ang COVID-19 response ng gobyerno – Malakanyang

Binira ng Malakanyang sina Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso at Vice President Leni Robredo sa pamumuna ng mga ito pagdating sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno para labanan ang COVID-19 pandemic.

sa isang pulong balitaan, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga pahayag nina Domagoso at Robredo ay parte ng kanilang pagpopostura para makakuha ng boto sa 2022 national elections.

Dagdag pa ni Roque, panahon ngayon ng pulitika, kung kaya inaasahan na niya ang mga naturang pahayag mula sa taga-oposisyon na pagkontra sa mga pasya at hakbang ng pamahalaan na may kinalaman sa pandemya.

Una rito, binatikos ni VP Robredo ang administrasyon at inilarawan na tila walang lider na kumukumpas sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Binanggit pa ng bise presidente na nakahanda siyang magboluntaryo sa pangangasiwa sa pagtugon sa pandemya sa bansa.

“Ang daming puwedeng gawin basta areglado ang pag-manage sa lahat. Ngayon parang kanya-kaniya pa rin kahit may IATF, walang kumukumpas, parang walang konduktor. Gusto ko ngang mag-volunteer, ang kaso mahirap mag-volunteer kung hindi ka naman mabibigyan ng blanket authority,” ang nagging pahayag ni Robredo.

Sagot naman ng Palasyo, “Pero ibabalik ko na lang po kay VP Leni iyong quote ng WHO kasi nga po sabi ko from now on, I will not justify what the government has done with COVID, kasi that will be self-serving. Kaya ibabato ko po muli kung ano ang sinabi ng WHO. Hindi ba, Ivan, maniniwala naman tayo sa WHO dahil hindi naman iyan kabahagi ng ating pulitika. So, intindihin na lang po ninyo lahat na manggagaling sa bibig ni VP Leni, isabay po ninyo iyan sa jingle niya na pinatutugtog at alam na ninyo kung bakit sinasabi niya iyan, it’s election 2022. Pero hindi na po ako magsasabi kung tama o mali ang ginagawa ng gobyerno sa COVID kasi nagsalita na ang WHO.”

Sa kabilang banda, pinuna naman ni Mayor Isko ang pag-oobliga ng pamahalaan sa mamamayan na magsuot ng faceshield lalo sa pampublikong lugar.

Sinabi rin ng alkalde na wala sa siyensya na talagang makatutulong sa paglaban kontra impeksyon sa coronavirus ang pagsusuot ng face shield.

Ani naman ni Mayor Isko, “Nagulat tayo bilyon-bilyon ang ginastos ninyo sa faceshield. Eh sa akin pahirap lang sa tao yan, gastos lang sa tao yan. Gamitin natin ang faceshield sa ospital…..Wala naman science.”

Sagot naman ni Secretary Roque, “ Kaibigan ko po itong si Yorme, pero gaya po ni VP [Leni Robredo] eh kandidato rin po iyan. Mark my word, ‘di pa po nag-aanunsyo iyan pero sigurado po ako kandidato kaya asahan natin itong mga ganitong salita dahil kinakailangan nilang ligawan ang mamamayan.”

Ipinaliwanag din ng kalihim na ang mga face shield na binili noon kasama roon sa personal protective equipments o PPEs ay para sa mga frontliner.

“Hindi ko po alam kung talagang malaki ang budget na ginamit natin para mamigay ng face shield pero ang alam ko po karamihan ng face shields talaga tayo po ang bumibili. Wala po akong nakuhang libreng face shield pati sa gobyerno so tayo po ang bumibili at mabuti na lang, mura na lang po ang halaga niyan; kung hindi ako nagkakamali 10 to 15 pesos na lang,” dagdag pa ni Roque.

Iginiit din ng tagapagsalita ng Palasyo na nakabase sa siyensya ang pagre-require na magsuot ng face shield partikular sa mga pampublikong lugar.

“Pangalawa po, iyan po’y nakasiyensya, base po sa siyensya at prinisenta na natin ang datos na galing po sa mga dalubhasa. Now, whether or not kinakailangang ipagpatuloy, sabi ko nga po pati ang WHO pinag-aaralan po iyan dahil so far ang hindi natin matatanggal, epektibo po iyan na pagbibigay ng proteksyon sa ating mga mata dahil pupwede namang pumasok si COVID-19 sa ating mga mata,” paliwanag ni Roque.

Bukod sa pagpuna ni Mayor Isko sa gobyerno sa pag-oobliga ng paggamit ng face shield, ay nanawagan naman ang alkalde na gamot na Tocilizumab at Remdisivir ang dapat bilhin ng gobyerno at hindi aniya face shield.

More in National News

Latest News

To Top