Connect with us

Marikina City, posibleng maharap sa kakulangan ng suplay ng test kits

Posibleng maharap sa kakulangan ng supply ng coronavirus kits ang Marikina City sa gitna na rin ng epekto ng bagyong Ulysses sa lungsod.

National News

Marikina City, posibleng maharap sa kakulangan ng suplay ng test kits

Posibleng maharap sa kakulangan ng supply ng coronavirus test kits ang Marikina City sa gitna na rin ng epekto ng bagyong Ulysses sa lungsod.

Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, sa ngayon ay may sapat pang test kits ang lungsod pero inaasahang kakapusin ito sa susunod na mga araw.

Sinabi ng alkalde na mayroon na lamang ang Marikina ng 7,000 rapid test kits na supply at 5,000 RT-PCR test kits.

Hindi naman tinukoy ni Teodoro ang posibleng rason ng shortage pero sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang city government ng COVID-19 testing sa ilang evacuees sa lungsod.

Ito ay matapos magpositibo sa sakit ang isang 68-anyos na lalaking evacuee.

Kaugnay nito, ipinag-utos ng alkalde ang pagbili ng karagdagang 7,000 COVID-19 test kits para mapunan ang kasalukuyang suplay.

Pinasalamatan din nito ang isang pharmaceutical company sa pangakong magdodonate sa city government ng 2,000 kits para sa rapid test at karagdagang 2,000 para sa PCR test.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng Marikina City ang resulta ng RT-PCR tests ng 34 evacuees na nagpositibo sa rapid tests para sa COVID-19.

Ayon sa alkalde, isinagawa ang rapid testing sa iba’t ibang evacuation centers kung saan nananatili ang mga residente matapos lumikas sa kanilang mga bahay dahil sa malawakang pagbaha bunsod ng bagyong Ulysses noong nakaraang linggo.

Kahapon nang ibinuyag ng alkalde na isang 68-anyos na lalaki ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan asymptomatic ang pasyente at naka-isolate na.

Nasa 13 naman aniyang evacuees ang natukoy na close contact ng pasyente. Pero nagnegatibo ang mga ito sa sakit.

Bukod naman sa COVID-19, sinabi ni Teodoro na minomonitor din nila ang ibang sakit na maaring makuha ng mga residente gaya ng cholera, tetanus at leptospirosis.

Dahil dito, ipinag-utos na ng alkalde ang pagbili ng mga gamot para sa mga nasabing sakit.

Samantala, mahigit 200 volunteers ang lumahok sa “Brigada Marikina” bilang pagtulong sa lungsod na isa sa malubhang naapektuhan ng nagdaang bagyong Ulysses.

Nagmula ang mga volunteers sa iba’t ibang school division offices sa Pasig, Manila, Malabon at Las Pinas.

Pinangunahan ang naturang aktibidad ng Departmant of Education-National Capital Region (DepEd-NCR).

Sanib-pwersa ang mga volunteers sa paglilinis ng putik upang maibalik sa ayos ang buong compound ng Industrial Valley Elementary School.

Ayon sa DepEd, nailigtas at nailikas sa ikalawa at ikatlong palapag ng gusali ang mga gamit tulad ng computers, TV sets, libro at iba pang dokumento ng paaralan kung kaya hindi ito naapektuhan ng pagbaha.

Matapos ang aktibidad, nagpasalamat ang DepEd-NCR sa mga nag-volunteer para sa mas mabilis na paglilinis ng eskwelahan.

More in National News

Latest News

To Top