Malaki ang pinagkaiba sa nakaraang 2019 SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara ngayong taon at mahigpit din ang health security ang ipinatutupad .

Mahigpit na health security sa ika-5 SONA ni Pang. Duterte, ipinatutupad

National News

Malaki ang pinagkaiba sa nakaraang 2019 SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte kumpara ngayong taon at mahigpit ang ipinatutupad na health security para sa mga pinapapasok  sa Batasan Complex na dadalo sa SONA.

Mistulang normal na araw lamang ang ika-5 SONA ng pangulo sa Batasan Complex dahil sa panganib na dala ng COVID 19.

Limitado lamang  at dumadaan sa mahigpit na health protocols ang mga pinahihintulutang makapasok sa Batasan Complex .

Sa katunayan, maliit na bilang lamang ang pinipiling makadalo at mga pinapapasok na bisita.

Ang 2020 SONA naman ang naitalang pinaka maliit na bilang ng dumalo sa lahat ng SONA ng pangulo sa bansa.

Magiging sentro ng SONA ngayon ni Pangulong Duterte ang “roadmap for recovery” ng bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Kinakailangan ding mag-adjust ang mga in-charge sa 2020 SONA para matiyak ang seguridad ng pangulo.

Ngayong taon, walang mangyayaring “red carpet entourage” kung saan rumarampa ang mga bisita, mambabatas at mga attendees sa SONA.

Nakasanayan narin na taon-taon ay pagbonggahan ng gowns at suit o barong ang mga dumadalo sa ulat sa bayan ng pangulo.

Wala ring isasagawang welcoming committee na sasalubong at makikipag-kamay kay Duterte.

Recorded narin ang pambansang awit taliwas sa nakasanayang live performance ng Lupang Hinirang.

Sa panig ng mga kongresista, 25 lamang ang dadalo sa SONA, 15 mula sa senado kung saan 8 ang senador at 15 cabinet members.

Matindi rin ang pagbabawas sa tao sa loob ng plenary hall kaya todo rin ang paghahanda ng SONA team na magko-cover sa event.

Sa katunayan, ang state run radio TV Malacañang o RTVM ang in-charge sa live coverage at doon na kukuha ng live feed ang lahat ng news networks sa bansa.

Tiniyak naman ng Malacañang na live na mapapanood at walang editing na gagawin sa talumpati ng pangulo.

Samantala, sumailalim din si Pangulong Rodrigo Duterte sa COVID-19 swab test bago ang kaniyang SONA.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nais makatiyak ng pangulo na negatibo siya sa COVID-19 bago humarap sa sambayanang Pilipino.