OFWs nakauwi Duterte

Mahigit 24,000 OFWs, nakauwi na sa kani-kanilang tahanan alinsunod sa utos ni Pang. Duterte

National News

Nakauwi na ang 24,028 na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kani-kanilang mga tahanan.

Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque alinsunod na rin aniya sa itinakdang deadline na 7-day period na kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para pauwiin ang mga OFW sa kanilang mga probinsya.

Ani Roque, dahil sa ipinakitang aksyon ng pamahalaan sa mga OFW, sumulat ang Associated Marine Officer’s and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP)  at Associated Philippine Seafarers Unions (APSU) para magpasalamat kay Pangulong Duterte.

Sa liham, ang anunsyo ng Palasyo na ipapagamit ang lahat ng government resources nito para mapauwi ang mga OFW ay nagbigay pag-asa sa lahat ng pinoy seafarers na nasa iba’t ibang bahagi ng mundo na sila ay hindi kinakalimutan ng gobyerno.

Matatandaang matapos ang kabi-kabilang reklamo tungkol sa mabagal na COVID-19 testing at sobrang tagal na pagkatengga sa quarantine facilities, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang malawakang pagpapauwi sa mahigit 24,000 stranded OFWs.