LTFRB, pinabubuwag dahil ‘walang puso’ sa gitna ng pandemya

National News

Pinabubuwag ni Senior Citizens Partylist Rep. Francisco “Jun” Datol ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ito ay matapos ulanin ng katakot- takot na reklamo ang tanggapan mula sa mga commuter na walang masakyan dahil walang mga jeep sa gitna parin ng COVID- 19 pandemic.

Sa hearing ng House Committee on Metro Manila Development, iginiit ni Datol na walang puso ang LTFRB sa hirap na dinaranas ng mga mananakay.

Idinadaing din ng kongresista ang panawagan ng mga driver ng tradisyonal na jeepney na pabalikin na sila sa operasyon kahit may banta parin ng virus.

Ayon kay Datol, maghahain siya ng panukalang batas para buwagin ang LTFRB.

“Ginawa ko na ang aking House bill to abolish LTFRB. Yan po kasi kapag hindi natin in-abolish yan, magsisinungaling lang yan,” giit ni Datol.

Dagdag pa ng mambabatas, “Hindi na kailangan gumawa pa tayo ng congressional investigation kasi nga kapag hindi nanumpa yan sa investigation ang mangyayari diyan, bolahan na lang tayo nang bolahan”.

Dahil diyan, personal aniya na mananawagan si Datol sa kaniyang mga kapwa kongresista lalo na sa mga senior solons na suportahan ang kaniyang panukala laban sa ahensya.

Sa kaparehong hearing din ng ideklara ni LTFRB Chairman Martin Delgra na balik operasyon na sa susunod na linggo ang mga UV Express at tradisyunal na jeep.

Nauna nang sinabi ng Ibon Foundation na mas mainam ang bentilasyon ng mga tradisyunal na jeep kumpara sa airconditioned na mga PUVs na mas madaling makahawa ng virus.