Lea Salonga, tinawag na ‘bastos’ ni Enrile, at ‘unfair’ ni Pastor Quiboloy

National News

Tinawag na bastos ni dating Senate President Juan Ponce Enrile si Lea Salonga dahil sa ginawang pagmumura nito patungkol sa bansa.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Filipina singer ang “Dear Pilipinas, p***** ina, ang hirap mong mahalin.”

Naging viral ito sa social media at umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizen.

Samantala, sa programa ni Enrile sa Dito sa Bayan ni Juan sa DZAR Sonshine Radio, may isang netizen ang humingi ng reaksyon patungkol dito.

Sagot ni Enrile, “Bastos! Anong malay naman niyang Lea Salonga na yan kundi kumanta lang?”

Kinatigan naman agad ito ng kanyang co-host sa programa na Jesus Arranza, chairman ng Federation of Philippine Industries.

Aniya, hindi na Pilipino ang singer at lumayas na lang ng bansa.

“Tama, Mang Juan. Kanina pa ako galit! Bakit mo sasabihing masama kaming mga Pilipino? Hindi ka na Pilipino, lumayas ka sa bansa!”

Samantala, sinabi namang “unfair” ni Pastor Apollo C. Quiboloy, Executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, ang ginawa ni Lea.

Aniya, minahal naman siya ng mga Pilipino at binigyan ng magandang kapalaran kaya hindi nararapat ang kanyang ginawa.

“Pag sinabi mong napakahirap mahalin ng Pilipinas, eh 110 million Filipinos yun. Eh yan naman ang nagbigay ng magandang kapalaran sa’yo. So unfair yun,” pahayag ni Pastor Quiboloy.

“Bakit kaya? Minahal naman siya ng mga Pilipino. Pinanganak siya dito. Kasi kung wala ang Pilipinas, stateless ka. Wala kang bansa…So bakit mo sasabihing Pilipinas ang hirap mong mahalin. Minahal ka ng Pilipinas, ipinanganak kang Pilipino, binigyan ka ng talent bilang Pilipino, pinasikat ka sa buong mundo bilang Pilipino, ano pang gusto mong pagmamahal? Mahalin mo,” dagdag pa ni Pastor Quiboloy.

Samantala, sinabi ni Pastor Quiboloy na maaaring nadala lang ang singer sa damdamin nito matapos ma-convict si Maria Ressa sa kasong cyber libel at matapos magsara network nito dahil sa pasong prangkisa nito.

“Baka ang ibig mong sabihin, hindi mo na siya mahal dahil yung kaibigan mo na-convict at yung network mo nawala. Yun ang mahirap mahalin, yung lumabag sa batas, marami silang violation, yun ang harapin mo kung yun ang ibig mong sabihin. Pero pagmamahal sa Pilipinas? Mahal natin ang Pilipinas,” muling pahayag ni Pastor Quiboloy.