Connect with us

Kampo ni Pacquiao, sinibak ang 3 kaalyado ni PRRD sa PDP-LABAN

Sinibak sa kani-kanilang posisyon ang 3 opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) dahil sa isyu ng katapatan sa partido.

National News

Kampo ni Pacquiao, sinibak ang 3 kaalyado ni PRRD sa PDP-LABAN

Sinibak sa kani-kanilang posisyon ang 3 opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) dahil sa isyu ng katapatan sa partido.

Dahil dito, lalo pang tumindi ang hidwaan ngayon sa naturang partido.

Ang mga kaalyado ni acting president ng partido na si Senador Manny Pacquiao ang nagtanggal sa 3 national officers.

Kasama sa sinibak sa puwesto sina PDP-Laban Vice Chairman-Energy Secretary Alfonso Cusi, Deputy Secretary General Melvin Matibag at Membership Committee Head Astra Naik.

Ang dahilan ng kanilang pagkakasibak ay ang pagsuporta di-umano ng mga ito sa isang personalidad na hindi miyembro ng kanilang partido.

Ayon sa kampo ni Pacquiao, makailang beses umanong binanggit sa publiko ni Secretary Cusi ang pagsuporta nito sa Duterte- Duterte tandem nina Davao Mayor Sara Duterte-Carpio bilang pangulo at ni PRRD bilang VP sa 2022 election.

Labag raw ito sa panuntunan ng partido dahil hindi miyembro ng PDP si Mayor Sara.

Tinira rin ng kampo ni Pacquiao ang naganap na Assembly meeting ng PDP sa Cebu City noong Mayo 31 dahil wala raw itong pahintulot mula sa national executive committee.

Ginawa umano ang nasabing meeting para isulong ang Duterte-Duterte tandem.

Nagpakita naman ng lagda ang kampo ni Pacquiao ng mga miyembro ng partido na sumusuporta sa expulsion order.

Inaatasan rin ng kampo ni Pacquiao ang mga taga PDP na ihinto ang pagsuporta sa mga tinanggal na opisyal.

Bukod sa sibakan, nag-isyu rin ng resolusyon ang kampo ni Pacquiao para bigyang kapangyarihan ang senador na magpatupad ng balasahan at mag-imbestiga sa loob ng partido.

Wala namang panama sa mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa PDP ang pagsibak sa kanila ng grupo ni Pacquiao.

Hindi rin kinikilala ng Duterte Group ang aksyon ng kabilang kampo.

Ayon kay PDP-Laban Acting Secretary General Melvin Matibag, walang karapatan ang mga bata ni Pacquiao na magpatupad ng disciplinary actions sa kagaya nilang National Officers.

Diin ni Matibag, magkita-kita nalang sila sa paparating na National Council at Assembly ng partido ngayong buwan.

“I don’t wanna give credence to their actions.  They don’t have any authority to discipline National Officers. It’s just a way for them to hype their status in the media. We will just see them in the National Council and National Assembly,” ani Atty. Melvin Matibag.

Banta pa ni Matibag, tatamaan sa kanila ang kampo ni Pacquiao sa kanilang national assembly meeting.

Hinamon rin ni Matibag ang kampo ni Pacquiao na humarap sa assembly para magka-alaman.

Sinabi pa nito,“These two are the highest governing bodies of the PDP Laban. The committee of Senator Manny Pacquiao is irrelevant. July 17 National Assembly will be the day of their reckoning. We encourage them to challenge the actions of the National Assembly. Legally speaking, they don’t have any fighting chance.”

More in National News

Latest News

To Top