Hawak na ng Department of Justice ang kopya ng resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation sa Jolo, Sulu shooting incident.

Investigation result ng NBI sa Jolo, Sulu shooting incident, naisumite na sa DOJ

National News

Hawak na ng Department of Justice ang kopya ng resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Jolo, Sulu shooting incident.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kasama sa nasabing report ang mga pahayag ng sampung testigo, gayundin ang naging forensic findings ng medico-legal team at ballistic experts na nakalap ng NBI.

Iginiit ni Guevarra na malinaw sa ballistic report ng NBI na nagtugma ang mga basyo ng bala at mga tingga na narecover sa crime scene sa mga baril ng mga pulis na sangkot sa insidente.

Karamihan din anya sa mga tama ng bala ng mga biktima ay sa likuran kung saan ang isa sa mga biktimang sundalo ay nagtamo ng walong sugat.

Kaugnay nito ay hindi pa masabi ng DOJ kung kailan maisasampa ang kaso laban sa pulis.

Samantala, nauna nang tiniyak  ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa na hindi maaapektuhan ng nangyari sa Jolo, Sulu ang professional relationship nila sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Binawi rin ng PNP ang kanilang pahayag na “misencounter” ang nangyari sa pagitan ng mga pulis at mga miyembro ng Philippine Army kung saan apat na sundalo ang nasawi.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, shooting incident ang nangyari kung saan sinasabing tinutukan ng baril ng mga nasawing sundalo ang mga pulis.

Sa ngayon, nailipat na sa Camp Crame ang mga pulis na sangkot sa Jolo, Sulu shooting incident na ikinasawi ng 4 na sundalo.

Malapit nang matapos ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau Investigation (NBI) sa shooting incident sa Jolo, Sulu kung saan 4 na sundalo ang nasawi.