Pinag-aaralan ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang tinatawag na  ‘travel bubble’ na nagpapahintulot ng international tourists  mula sa COVID-free countries na makabisita sa piling tourist spots sa Pilipinas.

International tourists mula sa COVID-free countries, pinag-aaralan ng makapasok sa bansa-DOT

National News

Pinag-aaralan ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang tinatawag na  ‘travel bubble’ na nagpapahintulot ng international tourists  mula sa COVID-free countries na makabisita sa piling tourist spots sa Pilipinas.

Ito ang inilahad ni DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa Laging Handa Public Briefing.

Kabilang sa mga destinasyon na ikinokonsidera para sa travel bubbles ay sa Bohol, Boracay, at Palawan  na mayroon lamang mababang COVID-19 cases.

Aniya, “We are looking at, in the near future, travel bubbles or travel corridors. ibig sabihin, we are talking to different countries na halos walang COVID-19 cases na puwede na silang lumipad diretso sa tourist destination like for ex. Bohol at Boracay, meron silang int’l airport.”

Sinabi ng kalihim na makatutulong kahit papaano sa industriya ng turismo ang naturang hakbang na  hindi lamang limitado sa domestic tourism ang bansa kundi pati na rin sa international tourists.

Una na ring ipinabatid ni Puyat na hindi lamang Pilipinas, kundi maging ang iba pang mga bansa tulad ng Australia at New Zealand ay pinag-aaralan din ang pagpapatupad ng travel bubble.

Pero sa ngayon, inihayag ni Puyat na mag-uumpisa muna ang Pilipinas sa domestic tourism.

Kasalukuyang pinapayagan pa lamang sa Pilipinas ang leisure travel sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung saan ang operasyon ng tourism business ay nasa kalahati lamang ng orihinal na kapasidad.

Ang ginagawa ng DOT ngayon ay ang close coordination sa mga lokal na pamahalaan para pagdating ng mga turista o domestic tourist ay ligtas ang mga ito.

Noong June 16, nagsimula nang buksan ang Boracay at namangha ang DOT at ilang opisyal ng pamahalaan nang magtungo roon dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng health at safety measures.

Sa susunod na linggo, tutungo si Puyat sa Palawan at kakausapin si Governor Jose Alvarez  para pag-usapan ang protocols sa pagbubukas muli ng probinsya sa turismo.

Ngunit tulad ni Alvarez, nais din ni Bohol Governor Arthur Yap ng domestic tourism muna.

Ang industriya ng turismo na nakapag-employ ng 5.7 million workers sa bansa noong 2019 ay kasama sa matinding naapektuhan ng pandemya dahil sa mga iniimplementang travel ban at restriksyon sa anumang leisure activities.

Samantala, tinatayang kulang-kulang P150 bilyon na ang nawala sa tourism industry ng Palawan at Puerto Princesa dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Gov. Alvarez, ang nasabing total revenue loss ng probinsya ay ang  nagpapaikot sa ekonomiya ng buong probinsya.

Gayunman, hindi parin sigurado ang Palawan Provincial Government kung gagayahin nila ang isinagawang reopening ng Boracay island.

Hinihintay pa anila ang posibleng pag-lift ng MGCQ sa probinsya sa June 30 kung saan kinukonsidera nila ang pagsasagawa ng gradual reopening.

Ang palawan ay ang most visited province sa buong rehiyon ng MIMAROPA kung saan noong 2019 ay aabot sa 2 milyong turista ang bumisita sa probinsya.