Ilang repatriated OFWs na positibo sa COVID-19, tumakas sa quarantine facility – PCG

National News

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na ilang repatriated OFWs na nag-positibo sa COVID-19 ang nakatakas mula sa quarantine facilities.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, nakatakas ang mga OFW bago pa man lumabas ang resulta ng kanilang test, at ngayon ay nasa bahay na nila at nakakahalubilo ang kanilang pamilya.

Pinaghahahanap na ng mga otoridad ang mga tumakas na OFWs habang iniimbestigahan na rin kung sino ang kanilang kasabwat.

Aniya, maaari silang sampahan ng kasong paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Pakiusap ni Balilo sa mga OFW, habaan ang pasensya sa paghihintay ng resulta ng kanilang COVID-19 test.

Nakikipagtulungan na rin ang PCG sa Bureau of Quarantine (BOQ) para mapabilis ang paglalabas ng mga test result.