Ilang modern jeepney, lugi sa pagbabalik operasyon

Metro News National News

Nagpahayag ng pagkalugi ang nagbabalik operasyon na mga modernong jeepney sa ilalim ng ikalawang phase o yugto ng pagbabalik ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila.

Umaaray sa mababang kita dulot ng ipinatutupad na General Community Quarantine (QCQ) guidelines sa mga pampublikong sasakyan.

Para mapanatili ang striktong pag-obserba ng social distancing, naging 11 seater na lamang kasi ang dating tig-30 seater.

Strikto ding ipinatutupad ang ‘no face mask no ride policy’ at kailangang dumaan sa foot bath at thermal scanning ang mga pasahero bago umakyat.

Samantala, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), tulad sa unang phase,magiging “calibrated in partial” o dahan-dahan ang pagbabalik lansangan ng mga Public Utility Vehicles (PUV) .

Ibig sabihin ngayong Lunes, 15 ruta muna ang bubuksan para sa 308 unit ng modern jeeps.

Sa Martes naman, June 23, ay 165 na karagdagang units ang magbabalik biyahe sa 9 na ruta, habang sa Miyerkules ay may 10 ruta naman ang bubuksan.

Ipinaliwanag naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra na kahit kasali sa phase 2 ang mga UV express o van ay uunahin muna sa pagbabalik kalsada ng mga modern jeep.

Nasa 308 namang mga modernong jeepney ang pinayagang makabiyahe ngayong araw ng Lunes.

Narito ang 15 ruta ng mga modern PUJ sa Metro Manila:

  1. Novaliches – Malinta via Paso de Blas
  2. Bagumbayan Taguig – Pasig via San Joaquin
  3. Fort Bonifacio Gate 3 – Guadalupe-Market Market-ABC Loop Service
  4. Pandacan – Leon Guinto
  5. Quezon Avenue – LRT 5th Avenue Station
  6. Cubao (Diamond) – Roces Super Palengke
  7. EDSA Buendia-Mandaluyong City Hall via Jupiter, Rockwell
  8. Divisoria-Gasak via H. Lopez
  9. Punta-Quiapo via Sta. Ana
  10. Boni Pinatubo – Stop and Shop, vice versa
  11. Boni Robinson’s Complex-Kalentong/JRC vice versa
  12. Nichols-Vito Cruz
  13. Filinvest City Loop
  14. Alabang Town Center (ATC)-Ayala Alabang Village
  15. Vito Cruz Taft Avenue-PITX Loop Service

Wala namang pagbabago sa halaga ng pamasahe sa pagbabalik operasyon ng mga jeep.

Para naman sa mga bus, wala nang inaasahan ang LTFRB na bagong units ng mga city bus o mga bus na bumibiyahe lang sa loob ng Metro Manila na magbabalik kalsada.

Natapos na kasi ng LTFRB ang pagbubukas sa 31 ruta ng city buses para sa 4,600 unit bus sa loob ng unang phase simula June 1 hanggang June 19.