Umatras ang ilang jeepney drivers sa lungsod ng Quezon City sa online delivery service app na nagsisilbing pansamantalang hanapbuhay sa kanila. 

Ilang mga jeepney driver, umatras sa pagiging online delivery service

Metro News

Umatras ang ilang jeepney drivers sa lungsod ng Quezon City sa online delivery service app na nagsisilbing pansamantalang hanapbuhay sa kanila.

Tumigil sila sa nasabing trabaho dahil sa ibat-ibang rason.

Bukod sa pahirapan sa kanila ang pagggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng online services app at smartphone ay pumapalag din sila sa sistema ng pag deliver dahil sa kung saan saan lang sila dinadala ng application.

Ipinunto ng mga tsuper na hindi kayang pasukin ng kanilang malalaking jeep ang mga makikipot o masisikip na daan.

Sa ngayon, habang naghihintay ng pagbabalik operasyon sa kalsada, dumiskarte muna ang iba sa pagbubungkal ng lupa para lang kumita.

Posible namang bumalik na lamang sa pamamalimos ang ilan sa kanila para mai-tawid sa gutom ang kanilang pamilya.

Malaki naman ang kanilang pasasalamat sa posibilidad na pagbabalik kalsada sa nakaugalian nilang sistema kasunod ng anunsyo ng  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maari nang bumalik sa operasyon ang mga traditional jeep sa susunod na linggo.

Samantala, nadagdag rin sa kanilang hinaharap na suliranin ngayon ang pagtanggal sa kanila sa dati nilang ruta dahil pinalitan sila ng modernong jeepney.