DILG Korte Suprema COVID-19

Higit 22k inmates, napalaya sa panahon ng pandemya

National News

Napalaya sa pamamagitan ng video conferencing hearing ang nasa 22,522 na Persons Deprived Of Liberty o PDLs sa bansa kasabay ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ito ang kinumpirma ng Korte Suprema Chief Justice Diosdado Peralta.

Sinabi ni Peralta na ang mga PDL ay napalaya dahil sa serye ng mga isinagawang video conferencing hearings sa panahon ng lockdown.

Pagkatapos ng mga pagdinig, ang mga PDL ay napalaya sa pamamagitan ng bail o paglalagak ng piyansa o “recognizance” kapag napagsilbihan na ng bilanggo ang minimum na ipinataw na parusa sa kanya.

Matatandaang naglabas si Peralta ng patakaran para sa pilot testing ng mga pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing sa mga korte na tinukoy ng Office of the Court Administrator na unang sinubukan sa Davao City.

Sa kasalukuyan, aabot na sa 1,350 trial courts sa buong Pilipinas ang napayagan na magsagawa ng pilot test para sa video conferencing sa mga kaso ng mga preso.