Inihayag ng isang franchise expert na posibleng ilabas na ng Kamara ang desisyun kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Hatol sa prangkisa ng ABS-CBN, posibleng ilabas sa Agosto

National News

Inihayag ng isang franchise expert na posibleng ilabas na ng Kamara ang desisyun kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.

Iginiit ng franchise expert na si Atty. Rolex Suplico na matagumpay na naisiwalat sa Kamara ang mga probable violations ng ABS-CBN.

Ayon kay Suplico, sapat na ang panahon na iginugol sa imbestigasyon para ma-establish ang mga paglabag ng kumpanya sa kanilang dating franchise.

Subalit ayon sa kanya, may konting kulang pa sa mga isyu na hindi na natalakay lalo na yung utang ng ABS- CBN sa Development Bank of the Philippines (DBP).

Para naman kay House Speaker Alan Peter Cayetano, malinaw ang mga paglabag na tinalakay sa Kamara.

Masusi anya nilang titimbangin ang gagawing desisyon kung pagbibigyan ba ang prangkisa ng ABS-CBN.

Kaugnay nito, inihayag naman ni Senior Majority Leader Boying Remulla na magkakasubukan sa Kamara kung lulusot sa committee level ang prangkisa ng ABS-CBN sa kabila ng mga violations.

Magpupulong naman ang mga mambabatas sa Huwebes upang pag-usapan ang kanilang magiging hatol sa prangkisa ng Kapamilya Network.

Bago matapos ang buwan naman ng Agosto ang target ng liderato ng Kongreso na mailabas ang desisyon hinggil dito.

Samantala, binawi na ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang kaniyang panukala para bigyan ng prangkisa ang ABS- CBN sa ilalim ng inakda nitong house bill 6901.

Ayon kay Salo, malinaw na may mga paglabag ang kumpanya sa kanilang prangkisa magmula sa labor at tax issues na kanilang kinakaharap.

Naglagay din ng mga parameters si Salo sa kaniyang franchise bill pero nilapatan aniya ng ibang pakahalugan ng isa sa mga mamamahayag ng ABS-CBN bagay na ikinagalit ng kongresista.

Malinaw din aniya na hindi dapat mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

Sa kabila nito, umaasa naman si Salo na hindi pababayaan ng kumpanya ang mga mangagawa nito na posibleng mawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.