Connect with us

Gatchalian: TESDA dapat tugunan ang jobs-skills mismatch sa mga tech-voc graduates

Bagama’t tumaas nitong mga nakaraang taon ang pondong nakalaan sa TESDA, hinimok ni Senador Win Gatchalian na tugunan ang jobs-skills mismatch

National News

Gatchalian: TESDA dapat tugunan ang jobs-skills mismatch sa mga tech-voc graduates

Bagama’t tumaas nitong mga nakaraang taon ang pondong nakalaan sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang ahensya na tugunan ang mataas na antas ng jobs-skills mismatch sa mga nagtapos ng Technical-Vocational Education and Training (TVET o tech-voc).

Ayon kasi sa pagsusuri ng Asian Development Bank (ADB) sa Individual Graduate Tracer Surveys ng TESDA para sa mga taong 2013, 2014, at 2017, umaabot sa 60% hanggang 80% ang occupational mismatch sa mga TVET graduates. Noong 2017, 70% ng mga kalahok sa naturang survey ang may mga trabahong hindi tugma sa programang kanilang tinapos.

Ang pagsusuri sa occupational group mismatch ay isa sa mga paraan upang ihambing ang aktwal na trabaho ng isang TVET graduate sa programang kanyang tinapos. Halimbawa, inaasahang magiging mga welder ang mga nagtapos ng Shielded Metal Arc Welding National Certificate Level II (NC II). Ngunit kung sila ay nagtatrabaho bilang restaurant staff, sila ay nakakaranas ng training-job mismatch.

Sa nagdaang anim na taon, umabot sa 19.71% ang average na itinaas ng pondo ng TESDA. Para sa 2022, halos labinlimang (14.7) bilyong piso ang panukalang budget ng ahensya, mas mataas ng 0.65% o siyamnapu’t apat (94) na milyong piso kung ihahambing sa pondo nitong 2021.

“Nakakabahala ang jobs-skills mismatch lalo na’t tumaas ang budget ng TESDA sa nagdaang sampung taon. Sa panahong ito, tinatayang labing-apat na bilyong piso ang natatanggap ng TESDA pero may mga ulat pa rin tayong nakukuha na 70-80% ng mga graduates ng TESDA ay nakakuha ng trabaho na hindi angkop sa kanilang naging pagsasanay o training,” ani Gatchalian.

Pinuna rin ng ADB na mula 2014 hanggang 2020, ang enrollment sa mga enterprise-based tech-voc training (EBT) programs na isinasagawa sa mga kumpanya ay umabot lamang sa 4%. Dahil sa mga pagbabagong dulot ng teknolohiya at Industry 4.0, ipinaliwanag ng ADB na mahalaga ang inaasahang magiging papel ng EBT dahil umaakma ito sa mga workplace at workshop needs o pangangailangan ng mga kumpanya.

“Malaki ang potensyal ng enterprise-based training para sa akin dahil isang paraan ito para sa mga negosyo upang magbigay ng training ayon sa kanilang mga pangangailangan at magbigay ng trabaho matapos ang training. Sa madaling salita, ang enterprise-based method ay apprenticeship at umaasa akong mapapalawig natin ito,” pahayag ni Gatchalian.

More in National News

Latest News

To Top