Gabby Lopez, inamin na bumoto sa 2016 US elections

National News

Inamin ni ABS-CBN chairman emeritus Gabby Lopez III na bumoto siya noong 2016 US elections.

Ito ang inihayag ni Lopez sa ikatlong pagdinig ng Kamara sa ABS-CBN franchise application.

Maliban dito ay inamin rin ni Lopez na may hawak din siyang American passport.

Sa kasagsagan ng interpellation ni Dumper Party-list Rep. Claudine “Dendee” Bautista inihayag ni Lopez na bumoto siya sa 2016 polls kung saan nanalo rito si Donald Trump.

Tanong ni Bautista, “As an American citizen in the US, did you ever vote in the U.S. elections?”

Yes your honor, I voted in 2016 elections,” sagot ni Lopez sa mambabatas.

Citizenship Issue: Gabby Lopez

Sa ikatlong round ng ABS- CBN franchise hearing sa Kamara, dali daling inungkat ang citizenship issue ni ABS- CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez.

Batay kasi sa 1987 constitution, para lamang sa mga Pilipino ang karapatan na mag may-ari ng mass media company sa bansa; bagay na kinukwestyon kay Lopez bilang may-ari ng pinakamalaking media company sa bansa.

Sa hearing, natukoy na dual citizen si Lopez o siya ay isang Filipino at American citizen.

Sa depensa ng kampo nito, siya ay natural born dahil isinilang ito sa pawang Pilipinong mga magulang saklaw ng 1935 constitution.

Aniya, sakop si Lopez sa jurisdiction ng 1935 constitution dahil isinilang ito noong 1952.

American citizen din ito dahil isinilang si Lopez sa US at sa ilalim ng law of soil ay otomatiko itong naging US Citizen.

Subalit taong 2000 lamang nang mag-apply ito ng Certificate of Recognition sa Bureau of Immigration para maging Filipino Citizen at makakuha ng Philippine passport.

Subalit ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, malinaw na nakasaad sa konstitusyon na sa mga PILIPINO LAMANG maaaring igawad ang pagmamay- ari ng mass media entity sa bansa.

“Ang sinasabi po kasi doon, yung pagmamay-ari at pamamahala ng isang mass media company ay sa mga Pilipino. Wala po sanang problema doon kung si ginoong Gabby Lopez ay Pilipino lang,” pahayag ni Deputy Speaker Marcoleta.

“Ang nagiging problema po natin dito ay ang Saligang-Batas. Matibay ang kaniyang paninindigan na Pilipino lamang, pati nga po korporasyon, kooperatiba, asosasyon na mag mamay-ari at mamamahala nito kinakailangan ding wholly owned and managed by such citizens. Kinakailangan po kasi na palagi tayong gumagalang sa probisyon ng Saligang-Batas,” dagdag pa ng deputy speaker.

Inusisa naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang renewal ng US Passport ni Lopez noong 1996. Ayon kay Defensor, malinaw na nasa US ang allegiance o katapatan ni Lopez bilang US Citizen nang magrenew ito ng american passport.

Samantala, ipinaliwanag naman ng Department of Justice ang kaso ni Lopez na Pilipino ang mga magulang subalit isinilang sa US. Ayon sa DOJ, ang proseso ng naturalization ay nakadepende sa kung ano ang nasyunalidad ng mga magulang ng aplikante.