Face-to-face classes sa mga koliheyo at unibersidad, hindi totoo – CHED

National News

Pinasinungalingan ng Commission on Higher Education (CHED) na pinayagan na nila ang face-to-face classes sa mga koliheyo at unibersidad sa Hulyo.

Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera na hindi totoo ang mga ulat na lumabas hinggil sa face-to-face classes.

“It has come to my attention that there were news stories today saying that CHED will be pilot testing face-to-face classes starting July 2020. This is not true and the said reporters may have misunderstood my television interview yesterday,” saad ni De Vera.

Paliwanag pa ni De Vera, sa huling IATF meeting nila ay nakabuo sila ng bagong kategorya, ang MGCQ low risk area.

Ito ang mga lugar kung saan walang naitalang bagong kaso sa nakalipas na 28 araw at may mga health facility na kayang mag-handle ng mga COVID-19 case.

“During this meeting, the IATF has allowed Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) to have limited face-to-face Technical and Vocational Education and Training (TVET) training programs starting July. This is the reason why CHED, in consultation with the Department of Health (DOH), is now crafting guidelines for possible limited face-to-face classes in low risk MGCQ areas as part of the flexible learning system,” dagdag ng opisyal.

Anya, ang naturang mga guideline ay isusumite nila sa IATF bago matapos ang Hunyo o sa susunod na buwan.

Kung papayagan anya nito, personal ani De Vera siya na bibisita sa mga higher education institution (HEIs) na magre-redesign ng kanilang mga classrooms, library, auditorium, cafeteria at iba pang mga pasilidad batay na rin sa ipinatutupad na health protocol at guidelines.

Mula rito anya ay titingnan kung maaari ba ang limitadong face-to-face class sa MGCQ low risk areas.

Pagbibigay diin pa nito na inaprubahan ng IATF noong Mayo 13, 2020 na maguumpisa ang klase ng mga HEI sa buwan ng Agosto gamit ang flexible learning.

Ibig sabihin anya dito ay malabong magkaroon ng face-to-face classes sa susunod na buwan.